• July 17, 2025

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Kasama ang Isah V. Red awardee na si RS: 6th EDDYS Best Actress na si MAX, maghahayag ng mga nominado sa ‘8th EDDYS’

NAKATAKDA nang ihayag ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd) ngayong Martes, unang araw ng Hulyo ang mga nominado sa iba’t ibang acting at technical awards para sa pinakaaabangang ‘8th EDDYS.’
Magaganap ito sa Rampa Drag Club na matatagpuan sa 27B Tomas Morato Avenue Extension, Barangay South Triangle, Quezon City, sa ganap na ala-una ng hapon.
Fourteen acting and technical awards na paglalabanan ang mga mapipiling nominado mula sa mga pelikulang ipinalabas sa mga sinehan at ilang digital platforms noong 2024.
Kabilang sa major awards na ipamamahagi ngayon taon sa The EDDYS o Entertainment Editors’ Choice ang Best Picture, Best Director, Best Actress, Best Actor, Best Supporting Actor at Best Supporting Actress.
Makakasama ng SPEEd officers at members sa announcement of nominees ang 6th EDDYS Best Actress na si Max Eigenmann at ang Isah V. Red awardee ngayong taon na si RS Francisco.
Sila ang naatasang maghayag ng mga nominado para sa major categories ng ika-walong edisyon ng The EDDYS.
Nauna nang in-announce ng SPEEd ang mga special awards  na ipamamahagi sa gabi ng parangal kabilang na ang Producer of the Year na igagawad sa GMA Pictures at ang Rising Producer of the Year award na ipagkakaloob sa Nathan Studios.
Bukod dito, pararangalan din sa 8th EDDYS ang showbiz columnist, TV-online host at content creator na si Ogie Diaz na siyang tatanggap ng Joe Quirino Award habang ang Manny Pichel Award ay igagawad sa dating entertainment editor na si Crispina Belen.
Para naman sa Isah V. Red Award na ipinagkakaloob ng The EDDYS taun-taon sa mga personalidad na walang sawang tumutulong at nagbibigay inspirasyon sa mga kababayan nating nangangailangan, ipagkakaloob ito sa actor-entrepreneur-producer na si RS Francisco.
Kabilang din sa magiging highlight ng ika-walong edisyon ng The EDDYS ang pagkilala at pagbibigay-parangal sa anim na Movie Icons – sila ay ang mga respetadong veteran star na sina Laurice Guillen, Odette Khan, Perla Bautista, Pen Medina at mag-asawang Rosemarie Gil at Eddie Mesa.
Muli ring bibigyang-pugay ng samahan ng mga entertainment editors sa Pilipinas, na binubuo ng mga current at former entertainment editors ng mga leading broadsheet, top tabloid newspaper at online portals, ang mga tumaya para sa patuloy na pagbangon ng Philippine movie industry sa ikalawang taon ng The EDDYS Box Office Heroes.
Ang 8th EDDYS ay gaganapin sa July 20, 2025 sa Ceremonial Hall ng Marriott Grand Ballroom sa Newport World Resorts, Pasay City, at magkakaroon ng delayed telecast sa Kapamilya Channel, Jeepney TV at may worldwide streaming sa iWantTFC sa July 27, Linggo.
Co-presenter ng 8th EDDYS ang Newport World Resorts at ABS-CBN sa ilalim ng production ng Brightlight Entertainment na pinangu­ngunahan ni Pat-P Daza at ididirek muli ni Eric Quizon.
Ang SPEED ay pinamumunuan ng kasalukuyang presidente ng grupo na si Salve Asis ng Pilipino Star NGAYON (philstar/ngayon) at Pang Masa (philstar/pangmasa).
Para sa karagdagang detalye, maaaring i-follow ang official Facebook page ng The EDDYS (The Entertainment Editors’ Choice).
(ROHN ROMULO)