Kung wala sa minutes, fake news
- Published on April 13, 2022
- by @peoplesbalita
PINABULAANAN ng Commission on Elections (Comelec) ang bali-balitang “may marka na” ang ilang balotang ibinigay sa ilang botante sa pagsisimula ng overseas absentee voting ng mga Pinoy abroad.
Lunes nang ibalita ng Singapore-based voter na si Cheryl Abundo na may shade na agad ang nakuha niyang balota nang boboto sana para sa 2022 national elections. Bandang 9 a.m. daw nang mangyari ang insidente.
“Kakatapos lang bumoto sa embahada. The ballot I received came pre-shaded. Nang binalik ko para palitan, ito raw ay spoiled ballot from yesterday,” wika niya sa isang social media post kanina.
“It could be an honest mistake pero hindi dapat inaallow na mangyari ang mga ganitong pagkakamali. Be vigilant and report to the watchers and marshalls if it also happens to you.”
Sinabihan naman daw siya ng poll watcher na na sinabihan ng reklamo na vinoid at minarkahan na ang barcode ng ibinalik niyang balota.
Nababahala tuloy ang maraming botante sa ngayon na maaaring may nangyayari nang dayaan sa eleksyon bago pa man ang Mayo, kung kailan ikakasa ito sa Pilipinas mismo.
Ayon naman sa Philippine Embassy in Singapore, “isolated incident” lang daw ang nangyari. Gayunpaman, pinabulaanan nila ang ilang “unverified sources” na maraming pre-shaded ballots ang naipamahagi.
“It has come to the attention of the Philippine Embassy that some unverified sources allege that pre-shaded ballots have been given to voters who came to the Embassy to cast their vote today. This is not true,” ayon sa embahada.
“The Embassy is aware of only one (1) incident wherein one (1) spoiled ballot from yesterday’s voting exercise was inadvertently and unintentionally given to a voter this morning. This was subsequently recorded in the official OVF No. 11-A (Minutes of Voting for AEWS Voting Posts).”
Sa isang press briefing kasama ang media, sinabi ni Comelec commissioner George Garcia na wala pa raw silang natatanggap na opisyal na ulat pagdating sa reklamo ng pre-shaded na balota.
“Wala po kaming natanggap na report kahit sa ating post, kahit na kaming mga opisyal natin dun sa Singapore and therefore, fake news po iyun. May kumakalat rin po na sa Dubai daw meron ding [pre-shaded ballot],” ani Garcia kanina.
“Meron kasing tinatawag na minutes of voting. Ang tanong ko, and baka ika-countercheck ko kung totoo ang sinasabi niya, ‘yun bang pre-shaded na balota at ‘yung incident na ‘yun, na-report ba ‘yun sa minutes of voting?”
“Kasi kung walang na-report sa minutes of voting at wala ring nakita ‘yung watcher… isa lang ang ibig sabihin: hindi po totoo ‘yung sinabi niya [nag-aakusa].”
Ibeberipika raw ngayon ni Garcia kung talagang naiulat ito sa minutes. Kung wala raw kasi, ibig sabihin ay walang nagreklamo.
Nananatiling “best evidence” daw ng mga kaganapan ng eleksyon ang mga naturang minutes, kung kaya’t mahalaga raw na nailagay ito kung totoo.
“I’m verifying with the poll watcher I reported to if it was included in the minutes. I also sent an email to comelec and the embassy,” sabi ni Abundo.
“Pinapabasa raw niya yung minutes and she’ll update me.”
Pinayuhan naman ni Comelec commissioner Marlon Casquejo ang lahat na i-report agad-agad sa otoridad kung makakikita ng iregularidad ang mga botante para madaling maaksyunan ang isyu.
“Kapag nakita na ng botante na may shaded ballots na, hindi na dapat tatanggapin ni botante ‘yon. So automatic dapat ire-report niya agad… Sasabihin niya, ‘Maam/sir, may shade na po ‘yung balota. Bakit ganoon?'” dagdag ni Casquejo.
“Kapag umalis na si botante without any opposition as to the ballots, then there is a presumption already na malinis ‘yung balota na natanggap niya. Kapag pumunta na siya sa voting booth… Tapos binalik niya, sasabihin niya pre-shaded na ito, may nakasulat na, hindi na katanggap-tanggap ‘yun na rason.”
Ayon kay Abunda, sinabi niya raw ito sa poll watchers sa site matapos bumoto. Sambit naman ng Casquejo, karaniwan ay sinusulatan ng “spoiled” ang balota kung nanggaling ito noong mga nakaraang araw pa.
Linggo nang magsimula ang overseas absentee voting sa ibayong dagat. Tinatayang nasa 1.6 milyong botanteng Pinoy ang rehistrado sa ibang bansa. Matatandaang nasa 2 milyong Pilipino ang umuwi ng bansa dahil sa COVID-19 pandemic.
-
Allotment releases sa pondo ng bawat ahensiya ng gobyerno ngayong 2023, mahigit 50%- DBM
PUMALO na sa 56. 4% na ng kabuuang 2023 national budget ang naipamahagi ng Department of Budget and Management (DBM) sa iba’t ibang tanggapan ng gobyerno. Sa katunayan, “as of January 31” , mula sa 5. 27 triilion pesos na pambansang pondo ay nasa 2. 97 trilyong piso na ang naipamahagi. […]
-
Navotas namahagi ng educational assistance
NAMAHAGI ang Pamahalang Lungsod ng Navotas sa ilalim ng pamumuno ni Mayor John Rey Tiangco ng educational assistance sa 355 public special education students o mga estudyanteng may kapansanan. Nakatanggap ang mga benepisyaryo ng P1,000 para sa buwan ng Marso at Abril. Ipinasa ng pamahalaang lungsod ang City Ordinance 2019-04 para […]
-
Fahrenheit Cafe and Fitness Center sa E. Rodriguez, QC ipinasara ng QC LGU
IPINASARA ng QC Local Government ang Fahrenheit Cafe and Fitness Center (F Club) sa E. Rodriguez Sr. Avenue, Quezon City. Ito ay nang tumanggi ang nasabing establisimyento na makipagtulungan na papasukin ang contact tracing team ng City Epidemiology and Surveillance (SECU) Division para magsagawa ng imbestigasyon kaugnay sa sakit na […]