• July 19, 2025

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Libre toll sa NLEX Connector habang ginagawa EDSA

IKINATUWA ng Department of Transportation (DOTr) ang anunsyo ng Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC) na ilibre na rin ang toll sa bahagi ng North Luzon Expressway (NLEX) connector road.
Kasunod ito nang hindi paniningil ng toll sa piling bahagi ng Skyway Stage-3 na pinatatakbo naman ng San Miguel Corporation sa panahon na sumasailalim sa malawakang pagkukumpuni ang EDSA.
Pinasalamatan ni Transportation Secretary Vince Dizon ang SMC at MPTC sa pagtulong nito sa pamahalaan na mapagaan ang biyahe ng mga motorista habang isinasaayos ang EDSA.
Una rito, sinabi ni MPTC President at CEO Manuel Pangilinan na dahil konektado sa Skyway Stage-3 ang NLEX connector, minabuti nilang ilibre rin ang toll dito upang makatulong sa mga motorista na gumaan ang pagbiyahe.
Ito aniya ay bilang corporate social responsibility ay malaking bagay bilang tugon na rin alinsunod sa pagna­nais ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pagaanin ang pasanin ng mga motorista kasabay ng “EDSA rebuild.”
Pinapurihan din ng kalihim ang dalawang pribadong kumpanya na isinantabi ang arawang kita upang matulungan ang pamahalaan gayundin ang mga motorista.