Limitadong vaccine doses, inirekomenda ng OCTA na i-focus sa NCR
- Published on April 16, 2021
- by @peoplesbalita
Hinikayat ng mga eksperto mula sa OCTA Research Team ang gobyerno na mag-focus na lang sa pamamahagi ng limitadong suplay ng coronavirus vaccines sa mga lugar na may mataas na coronavirus cases, partikular na rito ang Metro Manila at Calabarzon.
Ayon kay OCTA Research fellow Prof. Ranjit Rye, nakatakda silang magsumite ngayong linggo ng kanilang sariling vaccine model. Mas makabubuti aniya kung gagamitin ng pamahalaan ang risk-based approach.
Ibig sabihin lang nito ay uunahing mabakunahan ang lahat ng health care workers, matatanda at mga indibidwal na may comorbidities.
Kailangan aniya na pagtuunan na rin ng pansin ang NCR at Calabarzon kung saan naitatala ang karamihan ng COVID-19 cases. Kung gagawin daw ito ay naniniwala ang OCTA na hindi lang maaabot ng Pilipinas ang herd immunity subalit pati na rin ang posibilidad na bumaba ang mga kaso ng nakamamatay na virus.
Suportado rin ng grupo ang risk-based approach para sa alokasyon ng mga bakuna ngunit dahil na rin sa kakulangan ng suplay nito at pamimilit na muling nang buksan ang ekonomiya, ayon kay Rye maaari raw aralin ng pamahalaan ang pag-reallocate ng spaces.
Posible raw na magreklamo rito ang ibang rehiyon pero naniniwala ang grupo na maihahalintulad ang pandemic sa isang ahas. Kung uunahin aniya na putulin ang ulo nito, ay malaki ang tsansa na magkaroon ito ng malawakang epekto sa laban kontra COVID-19.
Dagdag pa ni Rye na malayo pa ang landas na tatahakin ng bansa para magapi ang coronavirus pandemic kahit pa nakakakita na sila ng pagbaba sa COVID-19 reproduction number. (Daris Jose)