LTO enforcers ikakalat sa NAIA vs pasaway na PUVs
- Published on July 4, 2025
- by @peoplesbalita
MAS madaming tauhan ng Land Transportation Office (LTO) ang ikakalat sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) para magsagawa ng regular random inspections laban sa mga pasaway na public utility vehicles (PUVs) sa naturang paliparan.
Ayon kay LTO Chief Vigor Mendoza, magiging isang ‘discipline zone’ ang Naia para sa mga pampasaherong sasakyan upang maiwasang maulit pa ang insidente ng overcharging ng mga pampasaherong sasakyan laluna ng taxi sa NAIA.
Kahapon ay may kabuuang 41 taxis, motorcycle taxis at ibang sasakyan ang isinailalim sa inspeksyon ng LTO sa NAIA Terminal 3 para matiyak na walang pang-aabuso sa mga pasahero ang mga abusadong PUV drivers.
Sa naturang inspections, isang taxi at motorcycle taxi ang nahuli dahil sa paso na ang rehistro ng kanilang sasakyan. Ang mga sasakyang ito ay naka impound na sa LTO.
Sinabi ni Mendoza na plano nilang doblehin ang parusa laban sa mga mapapatunayang abusadong driver ng mga pampasaherong sasakyan.
Pinatindi ng Lto ang kampanya laban sa mga abusadong PUVs nang mag-viral ang isang taxi driver na nag overcharge ng higit P1,000 pasahe sa pasaherong nagpahatid lamang mula NAIA Terminal 1 papuntang kabilang Terminal 3.