LTO gagawing “discipline zone” ang NAIA para sa mga PUVs, magde-deploy ng mga tauhan para magsagawa ng regular random inspections
- Published on July 5, 2025
- by @peoplesbalita
LALONG paiigtingin ngayon ng Land Transportation Office (LTO), sa patnubay ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, ang presensya nito sa mga terminal ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa pamamagitan ng pagdagdag ng mga tauhang nagsasagawa ng random inspections.
Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, layon din ng deployment na ito na mas maging mabilis at epektibo ang pagtugon ng ahensya sa mga kaso ng overcharging ng ilang taxi at iba pang pampasaherong sasakyan.
“Ginagawa nating isang “DISCIPLINE ZONE” ang NAIA at ang paligid nito, at ang pag-deploy ng ating mga tauhan ay simula pa lamang upang matiyak na sumusunod sa mga regulasyon ang mga driver na ito,” ani Asec. Mendoza.
Noong Miyerkules, Hulyo 2, kabuuang 41 taxi, motorcycle taxi, at iba pang sasakyan ang isinailalim sa inspeksyon sa NAIA Terminal 3.
Tiniyak din ng mga tauhan ng LTO na alam ng mga pasahero sa NAIA kung saan sila maaaring magreklamo laban sa mga abusadong driver ng pampublikong sasakyan.
Sa isinagawang inspeksyon, nahuli at nabigyan ng violation ticket ang isang taxi at isang motorcycle taxi dahil sa expired na rehistro, at kalaunan ay naimpound ang mga ito.
Nauna nang nagbabala si Secretary Dizon na may kaakibat na parusa ang mga lalabag na taxi, kabilang na ang posibilidad na masangkot din ang kanilang mga kumpanya, kasunod ng dalawang viral na insidente ng overcharging sa NAIA.
Sa panig ng LTO, sinabi ni Asec. Mendoza na isinusulong ng ahensya ang karagdagang hakbang laban sa pang-aabuso ng ilang PUV drivers, kabilang na ang panukalang doblehin ang multa sa mga lalabag.
“Hindi rin kami magdadalawang-isip na i-impound ang mga sasakyan ng mga pasaway na tsuper,” ani Asec. Mendoza. (PAUL JOHN REYES)