LTO inilunsad ang makabag Mobile Motor Vehicle Inspection Facility
- Published on May 27, 2025
- by @peoplesbalita

Tinawag na Mobile Motor Vehicle Inspection Facility (MVIF), pinangunahan ni LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II ang paglulunsad ng kauna-unahang yunit nito na itinayo sa LTO Central Office sa Lungsod ng Quezon.
Si Asec. Mendoza mismo ang nagsulong ng pagbili ng apat na bagong Mobile Motor Vehicle Inspection Facility (MVIF) upang matiyak na ang lahat ng sasakyan, lalo na ang mga ginagamit sa pampublikong transportasyon, ay ligtas gamitin sa kalsada lalo na sa gitna ng sunod-sunod na aksidente sa kalsada nitong mga nagdaang linggo.
“Ang isang responsibilidad ng LTO ay mag-inspection ng mga sasakyan bago i-rehistro para malaman natin kung ang sasakyan ay roadworthy o hindi. Sa ngayon medyo nagkukulang tayo dyan, kulang tayo sa materyales, sa equipment, para magawa natin ang trabaho natin ng mabuti,” ani Asec. Mendoza.
Kaya ng MVIF na magsuri ng parehong Light Duty Vehicles (LDV) at Heavy Duty Vehicles (HDV), kung saan tumatagal lamang ng 10 hanggang 12 minuto ang bawat transaksyon para sa LDV at humigit-kumulang 30 minuto naman para sa HDV.
Ganap na awtomatiko ang buong proseso lahat ng resulta ng pagsusuri ay diretsong naitatala sa sistema real-time at walang kahit anong human intervention, kaya’t mas mabilis, mas eksakto, at hindi madaling dayain ang mga pagsusuri.
Taglay ng MVIF ang lahat ng kakayahan ng isang fixed test station, ngunit may karagdagang benepisyo ito ng pagiging mobile o madaling ilipat kung saan ito kinakailangan.
Personal na sinubaybayan ni Asec. Mendoza ang pagdating at pag-install ng unang MVIF sa LTO Central Office noong Mayo 13.
Ang natitirang tatlong MVIF, sa oras na dumating, ay ipapamahagi sa tatlong pangunahing rehiyon ng bansa.
“Meron na tayong isa at may tatlo pa tayong darating sa katapusan ng buwan o sa unang bahagi ng Hunyo. Gagamitin natin ito, susubukan nang paulit-ulit, at kung maganda ang resulta, hihiling tayo ng dagdag pa para maipamahagi sa iba’t ibang rehiyon ng Pilipinas,” pahayag ni Asec. Mendoza.
“Plano rin naming kopyahin ito sa bawat district office kung kinakailangan. Para sa ganun ma-testing natin ng Mabuti ang mga sasakyan, hindi yung patingin-tingin lang para makita natin na ang sasakyan ay talagang roadworthy,” dagdag pa niya. (PAUL JOHN REYES)