• July 19, 2025

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

LTO nagbabala ng 2 taong pagkakakulong sa mga nagtatakip ng plaka

NAGBABALA ang Land Transportation Office (LTO), sa ilalim ng patnubay ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, laban sa mga motorista na sinasadyang baguhin o takpan ang kanilang plaka upang makaiwas sa No-Contact Apprehension Policy (NCAP), at nangakong maglalabas ng show cause orders laban sa 50 motorista na nahuling tinatakpan ang kanilang mga plaka.
Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, may kaakibat na administratibo at kriminal na pananagutan ang mga lalabag, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na tugisin ang mga pasaway na motorista para sa kapakanan ng kaligtasan sa kalsada.
“Medyo madami na ang nahuhuli namin kasama ang MMDA at tinitiyak namin na mas marami pa ang mahuhuli kung patuloy niyong susubukan ang pambabastos na ito sa ating batas,” ani Asec. Mendoza.
“Libo-libong driver’s license ang aming sinuspinde at libo-libong motorista ang naisyuhan namin ng show cause order noong Holy Week lamang dahil sa reckless driving at iba pang violation. Hindi kami magdadalawang-isip na gawin ito gaano man karami ang mga gumagawa ng iligal na modus na ito para makatakas sa NCAP,” dagdag pa niya.
Nitong Lunes, Hunyo 2, nagsumite si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Special Operations Group head Gabriel Go ng ebidensya laban sa humigit-kumulang 50 motorista na nahuling tinatakpan ang kanilang mga plaka.
Ayon kay Go, ang pakikipag-ugnayan sa LTO ay alinsunod sa direktiba ni MMDA Chairperson Don Artes upang disiplinahin ang mga pasaway na motorista, lalo na’t dumarami ang mga reklamo at may ilang vloggers pang ipinapakita kung paano nila nalulusutan ang NCAP.
Samantala, tiniyak ni LTO Executive Director Atty. Greg Pua Jr. na agad aaksyunan ng ahensya ang mga reklamong isinumite ng MMDA, at ibinunyag na pinalalakas pa ng LTO ang kampanya laban sa katulad na modus.
Tinukoy rin ni Pua ang Republic Act 11235 o Motorcycle Crime Prevention Act na nagpaparusa sa sinumang magtatangkang pakialaman ang plaka.
“This is very crucial po ito kase last week meron tayong nadiskubre na ginagawa ng mga motorista para makatakas sa NCAP ng MMDA, nakita natin na pinagyayabang pa po sa social media yung kanilang ways para matakasan ang NCAP,” ayon kay Pua.
“Hindi kayo makatakas sa batas, makikita at makikita namin kung sino kayo at bukod sa administrative penalty na P5,000, may criminal liability ang erasing, tampering or forging or imitating, covering or concealing a readable number plate na six months and one day to two years,” dagdag ni Pua.
Hinimok din ni Pua ang mga motorista na sundin na lamang ang mga batas trapiko, at nanawagan sa publiko na agad i-report sa LTO ang mga insidenteng may kinalaman sa pagtatakip ng plaka. (PAUL JOHN REYES)