• July 19, 2025

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

LTO naglabas ng SCO laban sa 205 driving schools dahil sa manipulasyon sa computer system

NAGLABAS ang Land Transportation Office (LTO) ng Show Cause Orders laban sa 205 driving schools sa buong bansa dahil sa manipulasyon sa computer system para makapasok ang mas maraming estudyante sa kabila ng itinakdang limitasyon ng ahensya, at iba pang paglabag.

Kasabay nito, inihayag ni LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, na may hindi bababa sa 88 pinuno ng mga LTO District Office ang pinagpapaliwanag kung bakit tila pinalampas o hindi agad naaksyunan ang mga nasabing paglabag.

Kabilang sa mga paglabag ang pakikialam sa access nila sa Land Transportation Management System (LTMS) upang makapag-upload ng mas maraming Theoretical Driving Course (TDC) at Practical Driving Course (PDC) certificates kaysa sa itinakdang daily limit ng LTO; pag-iisyu ng mga sertipiko kahit hindi pa tapos ang kinakailangang oras ng kurso; at non-appearance issuance ng TDC at PDC certificates.

Ang mga TDC at PDC certificates ay pangunahing requirement sa pag-a-apply ng driver’s license.

“Nagbabala tayo noon pa na hindi na puwede ngayon ang mga kalokohang ganito dahil buhay ng mga road users ang nakataya dito. Under the watch of Secretary Dizon, nakuha natin ang buong suporta upang maging mas agresibo laban sa mga taong nasa likod nito,” ani Asec Mendoza.

Matatandaang noong nakaraang buwan, mahigit 100 driving schools ang sinuspinde dahil sa iba’t ibang paglabag kaugnay ng maanomalyang pag-iisyu ng TDC at PDC certificates.

Ang crackdown laban sa mga abusadong driving school ay bahagi ng mas pinaigting na kampanya laban sa mga ilegal na aktibidad na sumasalungat sa adbokasiya para sa road safety sa ilalim ng Bagong Pilipinas.

Noong Biyernes, Hunyo 6, inanunsyo ni Asec Mendoza na humigit-kumulang 40 pinuno ng mga LTO district office ang pinagpapaliwanag kaugnay ng iligal na paglipat ng rehistro ng mga sasakyang nakumpiska sa mga police operations.

Kinabukasan naman, ibinunyag ni Asec Mendoza na maglalabas din ng Show Cause Orders ang LTO laban sa 160 medical clinics na sangkot sa non-appearance issuance ng medical certificates para sa mga nag-a-apply ng driver’s license.

“Tuloy tuloy na ito dahil ang instruction ng ating Pangulo at Secretary Dizon ay linisin ang LTO upang matiyak na maayos ang serbisyo at matiyak ang kaligtasan ng lahat ng road users,” ani Asec Mendoza.

“Isa itong seryosong babala sa lahat ng patuloy na sangkot sa mga ganitong ilegal na gawain tama na, dahil kung hindi, hahabulin namin kayo,” dagdag pa niya. (PAUL JOHN REYES)