• March 22, 2025
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

LTO, nakipag-ugnayan sa Valenzuela City para matugunan ang backlog sa plaka

NAKIPAG-UGNAYAN ang Land Transportation Office (LTO) sa Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela para sa pagpapatupad ng isang proyekto na naglalayong matugunan ang backlog sa plaka ng mga sasakyang pag-aari ng lokal na pamahalaan at mga tricycle na ginagamit sa pampublikong transportasyon.

 

Nagpahayag ng pasasalamat si LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II kay Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian sa kanyang tiwala at kumpiyansa sa LTO, na naging daan upang maisakatuparan ang kasunduang magpapabilis sa pagpapalabas ng mga plaka.

 

“Nagawa natin ito sa Quezon City at nagawa natin ito sa Marikina City. Walang dahilan para hindi natin magawa ito sa Valenzuela City sa lalong madaling panahon,” ani Asec Mendoza.

 

Batay sa kasunduan, ang Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela, sa pangunguna ng project action officer na si Konsehal Sel Sabino-Sy, ay magbibigay ng kinakailangang suporta sa LTO para sa mabilisang pagproseso ng mga plaka. Magsisimula ito sa pagtukoy ng lahat ng sasakyang pag-aari ng pamahalaang lungsod.

 

Nagpahayag din ng pasasalamat si Mayor Gatchalian kay Asec Mendoza at sa LTO team sa kanilang pagpupulong na dinaluhan nina LTO Executive Director Atty. Greg G. Pua Jr., LTO Valenzuela Chief Johnny Dog-E, LTO-NCR Operations Chief Hanzley Lim, at Chief ng Plate Unit ng LTO NCR na si Lito Pandi.

 

“Sa simula, ang proyektong ito ay tututok muna sa mga sasakyang pag-aari ng Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela bilang bahagi ng kasunduang gobyerno sa gobyerno. Ngunit kalaunan, palalawakin ito upang maisama ang mga Tricycle Operators and Drivers’ Associations (TODAs) sa Valenzuela City,” ayon kay Mayor Gatchalian.

 

Ang kasunduang ito ay isinulong kasunod ng matagumpay na pagtugon sa backlog ng plaka ng mga tricycle sa Quezon City noong nakaraang taon at sa Marikina City kamakailan at binigyang-diin ni Asec Mendoza ang kahalagahan ng suporta at tiwala mula sa mga lokal na pamahalaan upang mapabilis ang proseso.

 

Sa patnubay ni DOTr Secretary Jaime J. Bautista, at sa pangunguna ni Asec Mendoza, malayo na ang narating ng LTO sa paglutas ng backlog sa plaka na nagsimula pa noong 2014.

 

Sa loob lamang ng anim na buwan mula nang maupo si Asec Mendoza bilang pinuno ng LTO, natugunan ang backlog sa plaka ng mga sasakyang may apat na gulong matapos makapagprodyus ang ahensya, sa tulong ni Secretary Bautista, ng humigit-kumulang 800,000 plaka kada buwan.

 

Ayon kay Asec Mendoza, nasa tamang direksyon ang layunin ng ahensya na matugunan ang backlog sa plaka ng mga motorsiklo ngayong taon. (PAUL JOHN REYES)

Other News
  • Mahihirap na Pinoy binabaan ‘living standards’

    TUMAAS ang bilang ng self-rated poor Filipino families noong nakaraang taon. Sa kabila ito ng mga indikasyon na binabaan na nila ang living standards. Ayon sa  Social Weather Stations (SWS) survey na isinagawa noong Disyembre 12 hanggang 18, mula 15,000 noong Hunyo, bumaba ito sa 12,000 noong Setyembre at naging P10,000 noong Disyembre. “The self-rated […]

  • Substitute bill para sa pagkakaroon ng Health Emergency Auxiliary Reinforcement Team (HEART), aprub

    INAPRUBAHAN ng House Committee on Health ang consolidated substitute bill sa ilang panukalang batas na nagsusulong para ma-institutionalize ang medical reserve corps.     Bubuuin ng panukalang batas ang Health Emergency Auxiliary Reinforcement Team o HEART sa ilalim ng Department of Health (DOH) kung saan magiging bahagi ng tungkulin nito ang pagbuo ng mga polisiya, […]

  • Magsayo humahanap pa ng makakaupakan

    PURNADA ang laban ni World Boxing Council – Asian Boxing Council (WBC-ABC) featherweight champion Jessel Mark Magsayo kasama ang MP Promotions nang magretiro na si Jose Haro ng Estados Unidos.   “My kids don’t want (me) to fight anymore. It breaks my heart to say this but I’m retiring from boxing. I have too many […]