LTO, ni-revoked ang lisensiya ng driver sa viral NAIA car crash at napatunayang guilty sa reckless driving
- Published on May 24, 2025
- by @peoplesbalita

Batay sa limang-pahinang desisyong nilagdaan ni LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, napatunayang guilty ang drayber mula Batangas sa kasong reckless driving at pinatawan ng kaukulang parusa, kabilang ang multang P2,000 at pagbawi ng kanyang lisensya sa loob ng apat na taon.
Ayon kay Asec. Mendoza, ang ipinataw na parusang multang P2,000 at pagbawi ng lisensya sa loob ng apat na taon dahil sa pagiging “improper person to operate a motor vehicle” ay ang pinakamataas na parusang pinapahintulutan ng batas para sa naturang paglabag.
Matapos ang insidente kung saan nasawi ang isang apat na taong gulang na anak ng overseas Filipino worker (OFW) at isang 29-anyos na lalaki, agad na naglabas ang LTO ng show cause order laban sa rehistradong may-ari at sa drayber ng itim na Ford Everest.
Gayunman, nabigong magsumite ng anumang salaysay ang driver upang ipagtanggol ang sarili o ipaliwanag ang kanyang panig kaugnay sa kasong reckless driving at pagiging improper person to operate a motor vehicle.
Batay sa Rule I(e) ng Joint Administrative Order No. 2014-01, ang pagmaneho ng sasakyan sa paraang maaaring magdulot ng panganib sa ari-arian, kaligtasan, o karapatan ng ibang tao ay itinuturing na reckless driving at may kaukulang multang P2,000.
“Batay sa mga nabanggit na probisyon at jurisprudence, malinaw na ang ginawa ng respondent-driver ay reckless driving na naglagay ng panganib sa ari-arian, kaligtasan, o karapatan ng mga biktima, lalo na kung isasaalang-alang ang bigat ng kanyang ginawa,” ayon sa desisyon.
Dagdag pa ni Asec. Mendoza, ang kapabayaan ng driver sa kanyang pagmamaneho na naging sanhi ng pagkasawi ng dalawang sibilyan at pagkakasugat ng ilan pang iba, pati na ang pagkasira ng ari-arian, ay isang hindi katanggap-tanggap na asal ng isang driver at maaring patawan ng pagbawi ng lisensya alinsunod sa Republic Act 4136 o Land Transportation and Traffic Code.
Sa parehong desisyon, muling iginiit ng LTO na ang pagmamaneho ay hindi karapatan kundi isang pribilehiyo na maaaring bawiin anumang oras kapag lumabag sa umiiral na batas at patakaran sa kaligtasan sa kalsada.
Nagpaalala rin si Asec. Mendoza sa mga motorista na maging responsable at disiplinado sa daan upang makaiwas sa mga problemang legal. (PAUL JOHN REYES)