• July 19, 2025

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

LTO, paiigtingin ang operasyon laban sa mga hindi rehistradong sasakyan at mga lisensyang paso

PINAALALAHANAN ng Land Transportation Office (LTO) ang mga motorista na tiyaking nasa maayos na kondisyon ang kanilang mga sasakyan kaugnay ng nakatakdang pagpapatupad ng mas pinaigting na kampanya laban sa mga sasakyang delikado at hindi ligtas gamitin sa kalsada.

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, isasagawa ang kampanya kasabay ng mas pinaigting na operasyon laban sa mga hindi rehistradong sasakyan at mga lisensyang paso, matapos makapagtala ang ahensya ng malaking pagtaas sa ganitong uri ng mga paglabag.

“Ito ay dapat magsilbing paalala sa mga motorista na tuparin ang kanilang tungkulin na panatilihing updated ang rehistro ng kanilang mga sasakyan dahil kung hindi, daraan ito sa mas mahigpit na proseso bago muling ma-renew,” sabi ni Asec. Mendoza.

Dagdag pa niya, mahalaga ang isinasagawang roadworthiness inspection sa mga accredited Private Motor Vehicle Inspection Centers (PMVICs) upang matukoy kung ligtas pa bang gamitin ang isang sasakyan.

Batay sa memorandum, ang mga sasakyang may expired na rehistro ay agad na i-impound hanggang sa maiparehistro muli ang mga ito, kasunod ng matagumpay na pagsusuri sa roadworthiness. Ang Joint Administrative Order 2014-01 at ang Republic Act 4136 ang nagsisilbing batayan ng mahigpit na parusa, kabilang na ang multang ₱10,000.

Gayundin, maaaring i-impound ang mga delikado at hindi ligtas na sasakyan alinsunod sa parehong batas, hanggang sa makumpleto lahat ng kinakailangang rekisito upang matiyak ang kanilang kaligtasan sa kalsada.

“Para sa layunin ng pagpapatupad, kabilang sa mga itinuturing na delikadong sasakyan ang mga may sirang windshield, nakalaylay o nakausling bahagi, kalbong gulong, labis na usok, at malalaking pinsalang nakikita sa katawan ng sasakyan,” ayon sa memo.

Iginiit ni Asec. Mendoza ang kahalagahan ng mahigpit na pagpapatupad ng batas laban sa mga depektibong sasakyan, lalo na’t ilang seryosong aksidente sa nakaraan ay bunsod ng sirang bahagi o aksesorya.

Kabilang sa mga layunin ng administrasyong Marcos sa ilalim ng Philippine Road Safety Action Plan ang bawasan ng hindi bababa sa 35% ang mga insidente ng aksidente sa daan hanggang taong 2028.

“Road safety is a matter of life and death. Sa panig ng LTO, aktibo kaming nagsasagawa ng mga hakbangin upang maiwasan ang mga insidente at mapanatili ang kaligtasan ng lahat ng gumagamit ng kalsada,” ani Asec. Mendoza.

“Kasama sa mga hakbanging ito ang kampanya laban sa mga ganitong uri ng sasakyan. Kaya nananawagan kami sa mga pasaway na motorista na gawin ang tama dahil kaligtasan ninyo at ng inyong mga mahal sa buhay ang nakataya rito,” pagtatapos niya. (PAUL JOHN REYES)