LTO, PNP, paiigtingin ang presensya sa Marilaque Road matapos mamatay ang motovlogger sa viral na “superman” stunt
- Published on January 29, 2025
- by Peoples Balita
NAIS ni Land Transportation Office (LTO) Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II na maramdaman ang presensya ng mga enforcer ng ahensya sa Marilaque Road sa Rizal, kasunod ng serye ng mga aksidente ng motorsiklo, kabilang ang viral video ng banggaan ng dalawang motorsiklo na nauwi sa pagkamatay ng isang vlogger.
Noong Lunes, Enero 27, bumisita si Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) Director Police Brig. Gen. Eleazar Matta kay Asec Mendoza upang talakayin ang mga hakbang na maaaring gawin upang higit pang mapalakas ang kooperasyon at koordinasyon para sa kaligtasan sa kalsada.
Isa sa mga natalakay ang insidente sa Marilaque Road. Nagkasundo ang dalawang opisyal na palakasin ang presensya ng LTO at PNP sa lugar upang matiyak ang disiplina ng mga motorcycle rider.
Ayon kay Asec Mendoza, inatasan na niya si LTO-Calabarzon Regional Director Elmer Decena na makipag-ugnayan sa mga lokal na pulisya at mga lokal na pamahalaan upang maiwasang gawing motorcycle exhibition area ang Marilaque Road para sa mga motorcycle riders.
“Dapat na nating itigil ang ganitong gawain dahil inilalagay nito sa panganib ang buhay hindi lang ng mga motorcycle rider kundi pati na rin ng iba pang gumagamit ng kalsada. Sa pinakahuling kaso, may namatay na ngang motorcycle vlogger at may mga nadamay pang turista,” ani Asec Mendoza.
“Sa tulong ng PNP at LGU, sisiguraduhin naming maramdaman ang aming presensya sa lugar upang habulin ang mga gumagamit ng pampublikong kalsada para sa mapanganib na stunt at iba pang exhibition gamit ang motorsiklo,” dagdag niya.
Ang utos ni Asec Mendoza ay bunsod ng ulat hinggil sa pagkamatay ng motovlogger na si John Louie Arguelles, na naaksidente kasama ang isa pang motorcycle rider habang isinasagawa ang tinatawag na Superman stunt gamit ang kanyang motorsiklo.
Ang nakaligtas na rider ay nahaharap naman ngayon sa mga kasong kriminal kaugnay ng insidente.
Ayon kay Asec Mendoza, maglalabas din ang LTO ng show cause order (SCO) laban sa nakaligtas upang ipaliwanag kung bakit hindi dapat bawiin ang kanyang lisensya sa pagmamaneho dahil sa stunt na ginawa nito.
Kabilang sa mga kasong administratibo na kinakaharap niya ay reckless driving at pagiging improper person to operate a motor vehicle.
Dagdag pa ni Asec Mendoza, inaasahan niyang tatalakayin ng LTO-Calabarzon kasama ang lokal na pulisya ang mga nararapat na security arrangement upang maiwasan ang pag-ulit ng ganitong insidente.
“Nais naming muling paalalahanan ang mga motorcycle rider na iwasang gawing eksibisyon ang pampublikong kalsada. Napaka-iresponsableng gawain po ito. May mga tamang lugar para sa ganitong aktibidad at hindi dapat ito gawin sa kalsada dahil nilalagay ninyo sa panganib ang buhay ng mga gumagamit nito,” ani Asec Mendoza. (PAUL JOHN REYES)
-
PBBM, muling pinagtibay ang suporta para sa mga tauhan ng AFP
MULING pinagtibay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kanyang suporta para sa mga uniformed members ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa gitna ng tuloy-tuloy na ‘tsismis” na destabilization plot laban sa kanyang administrasyon sa loob ng military at Philippine National Police. Ang posisyon na ito ng Pangulo ay matapos na ipatawag […]
-
P10.5 bilyong budget ng Office of the President sa 2025 aprub agad sa loob ng 10 minuto
HINDI umabot ng 10 minuto ang ginawang pag-apruba ng Senate Finance Subcommittee sa panukalang P10.5 bilyon budget ng Office of the President para sa 2025. Humarap sa Finance Subcommittee na pinamumunuan ni Sen. Grace Poe si Executive Secretary Lucas Bersamin. Ang panukalang budget ng tanggapan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para […]
-
Mikey Garcia, tiwalang uunahin muna siya ni Pacquiao na labanan bago kay McGregor
NANINIWALA si four-division champion Mikey Garcia na uunahin siya munang kalabanin ni Manny Pacquiao bago kay UFC star Conor McGregor. Isa kasi ang American boxer na tinukoy ni coach Freddie Roach na potensiyal na makakalaban ng fighting senator. Ayon kay Garcia na 100 porsiyento itong naniniwala na makakaharap siya ni Pacquiao bago ang […]