• July 19, 2025

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

LTO Tracker positibo ang feedback sa karamihan

POSITIBO ang karamihan sa mga feedback tungkol sa LTOTracker, ang digital platform para sa paghahatid ng mga driver’s license at plaka sa buong bansa, ayon sa Land Transportation Office (LTO).
Ginawa ang LTOTracker alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na isulong ang digitalisasyon ng mga serbisyo ng pamahalaan upang mapadali ang proseso para sa mga mamamayan.
Mula nang simulan ang live testing noong Abril 26, sinabi ni LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II na libu-libong driver’s license at plaka ng sasakyan na ang naihatid diretso sa mga tahanan ng mga may-ari.
Sa pamamagitan ng LTOTracker, magkakaroon ng access ang publiko upang masubaybayan ng real time ang estado ng kanilang driver’s license at motor vehicle plates.
Pinuri ni Secretary Dizon ang pagkakabuo at pagsisimula ng pilot testing ng LTOTracker, at sinabing epektibo nitong natutupad ang layunin na alisin ang mahabang pila at matagal na paghihintay sa mga transaksyon sa ahensya.
Simula pa noong 2014, kinaharap na ng LTO ang matinding backlog sa paglalabas ng mga plaka ng motorsiklo at mga 4-wheel na sasakyan.
Pagpasok ng 2023, hinarap din ng ahensya ang krisis sa driver’s license cards bunsod ng kakulangan sa plastic cards kaya pansamantalang na-print ang mga lisensya sa papel.
“Bilang tugon sa mga isyu ng driver’s license cards at plate numbers, binuo ng LTO ang LTOTracker. Sa pamamagitan ng platapormang ito, mas madali at mas maginhawa para sa publiko na ma-check ang availability at lokasyon ng kanilang lisensya at plaka,” ani Asec. Mendoza.
Sa tulong ng LTOTracker, matatanggap na rin ng mga rehistradong may-ari ng sasakyan ang kanilang matagal nang hinihintay na plaka ng madali, mabilis at abot-kamay.
Bagamat nagbibigay ng courier service ang LTOTracker, nilinaw ni Asec. Mendoza na nananatiling bukas pa rin ang opsyon ng publiko na personal na kunin ang kanilang driver’s license at plaka sa pinakamalapit na tanggapan ng LTO.
Nauna nang sinabi ni Secretary Dizon na ang LTOTracker simula lamang ng mas malawakang pagbabago sa LTO, kung saan layunin ang ganap na digitalisasyon ng lahat ng serbisyo ng ahensya.
Ang inisyatibang ito sumasalamin sa pagsugpo sa red tape, pagbabawas ng personal na pagbisita, at pagbibigay ng higit na kaginhawahan sa mga mamamayan. (PAUL JOHN REYES)