LTO, Transport groups, at iba pang stakeholders bumuo ng Alyansa para mapataas ang insurance benefits
- Published on March 18, 2025
- by @peoplesbalita
PINANGUNAHAN ng Land Transportation Office (LTO) sa pamumuno ng kanilang Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, ang pagbubuo ng alyansa kasama ang iba’t ibang transport groups upang mapataas ang benepisyo ng insurance para sa mga sasakyan.
Sa ikalawang bahagi ng pampublikong konsultasyon kasama ang mga transport group at iba pang stakeholders, nangako rin si Asec Mendoza na agad na aaksyunan ang mga reklamo ng mga insurance company laban sa mga ilegal na nagbebenta ng Compulsory Third Party Liability o CTPL.
Ayon kay Asec Mendoza, isinagawa ang pagpupulong upang makuha ang pananaw at rekomendasyon ng mas maraming stakeholders para sa pagpapabuti ng serbisyo sa pampublikong transportasyon, isa sa mga pangunahing prayoridad ni DOTr Secretary Vince Dizon.
Sa talakayan, nagkaisa ang mga dumalo sa pangangailangang taasan ang insurance benefits, gayundin ang pagpapatupad ng mas mabilis at mas maayos na proseso ng pag-claim kumpara sa kasalukuyang sistema.
Dalawa pang mahahalagang pagbabago ang kasalukuyang tinututukan, ang agarang pagwawasto ng maling encoding sa insurance at ang pagtanggal ng participation fee sa buong proseso ng pag-claim.
“Maganda ang kinalabasan ng pagpupulong at ito naman ang gusto natin, especially our new DOTr Secretary Dizon to reach out to the people so that we could craft and implement measures that are convenient to all our clients,” ani Asec Mendoza.
“Gagawa tayo ng mga huling pagsasaayos sa usaping ito, partikular sa legalidad nito, sa pakikipag-ugnayan sa Insurance Commission bago natin ito iharap kay DOTr Secretary at ipatupad ang mga pagbabagong ito,” dagdag niya.
Tiniyak din ni Asec Mendoza sa mga insurance company na personal niyang tututukan ang mga operasyon laban sa mga ilegal na nagbebenta ng CTPL nang walang pahintulot mula sa Insurance Commission.
Aniya, magpapadala sila ng mga mystery customer upang matukoy at mahuli ang mga nagbebenta ng CTPL ng walang tamang awtorisasyon, na isasailalim sa operasyon ng LTO at pulisya.
“Sa inyong tulong at patuloy na koordinasyon, sigurado akong malayo ang mararating natin sa pagpapatupad ng mga kinakailangang reporma upang mapabuti ang karanasan ng ating mga kababayan sa pampublikong transportasyon,” pahayag ni Asec Mendoza sa mga lider ng transport groups at iba pang stakeholders sa ginanap na pampublikong konsultasyon.
Dumalo sa pagpupulong sina Malyn Ramos, pangulo ng MAJETSCO/Busina; Angel Guevarra, kinatawan ng Sterling Insurance Company; Shierto Santillan ng BMIS; Juliet De Jesus ng Mega Manila Consortium; Leonardo Bautista, chairman ng PAGUNOVA Transport; Ariel Lim ng National Public Transport at NACTODA; Boy Vargas, pinuno ng ALTODAP; Jes Bañaga, pangulo ng Pro-movers Transport Alliance; Jojo Martin, pinuno ng Pasang Masda; Saturnino De Guzman ng Partner 7 Transport Operators; Vicky Antonio, chairperson ng Novadeci Transport Cooperative; Elbert Mozoe, pangulo ng BMIS; at Ka Obet Martin, chairman ng Pasang Masda. (PAUL JOHN REYES)
-
Ads October 10, 2024
-
Tobit 5:20
Do not worry.
-
Pamilya Dacera, kinontra ang medico-legal report
Kinontra ng ina ng nasawing flight attendant na si Christine Dacera ang ikalawang report ng medico legal ng PNP na nagsabing walang naganap na homicide kundi natural death ang nangyari dito. Ayon kay Sharon Dacera na hindi sila nagbigay ng permiso kay Lt. Col. Joseph Palermo ng PNP Crime Lab na kumuha ng […]