• June 22, 2025

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Makikipagsabayan sa modernong paliparan sa Asya at sa buong mundo… ‘Facial Recognition Technology’ sa NAIA ikakasa

KAABANG-ABANG ang ikakasang ‘facial recognition technology’ sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) para sa mas episyenteng proseso para sa mga international at domestic passengers.
Ipinagmalaki ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang bagong teknolohiya na kabilang sa pagpapabuti sa serbisyo sa paliparan.
Sinabi ng Pangulo na ang nasabing teknolohiya ay sagot sa mahabang pila na nararanasan ng mga pasahero.
Inaasahan na maipatutupad ito sa loob ng anim na buwan.
“We’re trying to make life easier for them na mabilis nga… Hindi sila hinahanapan ng kung anu-anong ID. Mukha na lang nila, ayun na ID. Hindi na kailangang bumunot ng passport… Soon, magkakaroon na tayo niyan,” ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos bisitahin at magsagawa ng pag-inspeksyon sa NAIA Terminal 3.
Inisa-isa rin ng Pangulo ang mga bagong pasilidad ng Terminal 3 matapos ilipat ang pamamahala sa NAIA Infrastructure Corporation (NNIC) kabilang ang bagong OFW Immigration Annex, OFW Lounge and Rest Area, Transport at Network Vehicle Service Area, at arrival service area.
“We are trying to canvass the best technology that we can find para to make para maging madali ang pagpasok labas ng ating mga OFW at ating lahat ng mga bisita at ang mga domestic passengers pati,” ang sinabi pa ng Pangulo.
Mahalaga aniya na makasabay ang NAIA sa mga modernong paliparan sa Asya at sa buong mundo. Hindi lamang para makapagbigay ng maayos na serbisyo kundi para sa imahe ng Pilipinas bilang gateway ng mga turista at mga Filipino na papasok at palabas ng bansa.
Samantala, sinabi ni NNIC Chairman Ramon Ang na mas lalawak pa ang kapasidad ng mga terminal sa 2026.
Sinabi pa nito na itatayo na rin ang terminal 5 na kapag isinama sa kapasidad ng Terminal 2 ay kayang tumanggap ng 35 milyong pasahero taun- taon. (Daris Jose)