Malakanyang, matabang sa ideya na magtambal sina PDu30 at VP Leni Robredo sa vaccine infomercial
- Published on May 24, 2021
- by @peoplesbalita
MATABANG ang Malakanyang sa ideya na magtambal sina Pangulong Rodrigo Roa Duterte at Vice-President Leni Robredo para sa isang vaccine infomercial.
Nanawagan kasi si Senator Joel Villanueva sa pagtatambal nina Pangulong Duterte at VP Leni para sa isang infomercial na manghihikayat sa publiko upang magpabakuna kontra COVID-19.
Ayon kay Villanueva, tila magiging mabisa kung maglalabas ng isang joint public service announcement ang Pangulo at ang Bise Pangulo upang makumbinsi ang malaking populasyon ng mga Pilipino na ligtas at epektibo ang bakuna.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, na mangyayari lamang ang infomercial kapag isinantabi na ni VP Leni ang politika at aminin na ang Sinovac’s COVID-19 vaccine ay epektibo gaya ng iba.
“Kasi ang alam ko po sa unang panahon ay kinuwestyon pa nga ni VP Leni ang paggamit ng Chinese vaccines. So parang I cannot see na ie-enderso niya na pare-pareho ang vaccines,” ayon kay Sec.Roque.
“Sana po kung masasabi niya at ‘yan ay matuloy pero alam niyo po ginawa talagang politika pati itong bakuna. Kaya nga po sinabi nila itong Chinese (vaccine) ginagamit natin kapalit ng [West Philippine Sea.],” dagdag na pahayag ni Sec. Roque.
Sinabi pa ni Sec. Roque na sa pagitan nina Pangulong Duterte at VP Leni ay tanging ang una lamang ang nanghikayat sa publiko na magpaturok na ng available na bakuna kahit na ano pa ang brand nito.
“So sa akin po, sana po masabi mismo ni vice president ‘yon. Simulan po natin don at kung masasabi niya na pantay-pantay ang mga bakuna at isasantabi niya ang politika ay pag-aaralan natin ‘yan, bakit naman hindi. Pero ang tanong ay masasabi niya ba yon?”ang panukala ni Sec. Roque.
Sa kabilang dako, bukas naman ang kampo ni VP Leni sa suhestiyon na magtambal sina Pangulong Duterte at ang Bise-Presidente sa infomercial hinggil sa bakuna.
Sinabi ni Atty. Barry Gutierrez, tagapagsalita ni VP Leni na bukas ang kampo ng bise-presidente sa ganitong suhestiyon na makakatulong na mapalakas ang public confidence sa COVID-19 vaccines.
“Kung may magri-reach out sa kanya at magsasama sila ni Pangulong Duterte para magkaroon ng infomercial para lalong ma-enganyo ang ating mga kababayan na magpabakuna sa lalong madaling panahon, eh bukas ho siya d’yan,” ang pahayag ni Gutierrez.
Ang tanggapan aniya ng Office of the Vice President ay nagpalabas na ng infomercial ukol sa COVID-19 vaccines noong unang bahagi ng Pebrero.
Tiniyak naman ni Gutierrez na handa si Robredo na isantabi ang politika para abura ang pagdududa ukol sa COVID-19 vaccines’ efficacy. (Daris Jose)