Malakanyang, nangako sa LGUs na agad na ipamamahagi ang milyong doses ng bakuna kontra Covid-19
- Published on May 15, 2021
- by @peoplesbalita
NANGAKO si Pangulong Rodrigo Roa Duterte na agad na ipamamahagi sa local government units ang milyong doses ng COVID-19 vaccines.
Ang pahayag na ito ni Pangulong Duterte ay sa gitna ng naging panawagan ni vaccines czar Secretary Carlito Galvez ng mataas na demand para sa bakuna sa hanay ng LGUs at sa limitadong ‘shelf life’ ng bakuna.
“Sabi nila it came in trickles. Ngayon, medyo volume-volume na, so maghintay lang kayo kasi these things must be distributed immediately the fastest way we can do it,” ayon kay Pangulong Duterte sa kanyang Talk To The People, Huwebes ng gabi.
Sa kanyang naging report, sinabi ni Galvez na milyong bakuna ang dumating sa bansa at inaasahang darating sa bansa subalit malakas ang naging panawagan mula sa LGUs na kinakapos na sila ng suplay.
“Public acceptance ng vaccine is growing. Maraming LGUs, tawag nang tawag. Ibig sabihin kinakapos na sila ng vaccine,” ayon kay Galvez.
Ang pakiusap naman ni Pangulong Duterte sa local executives ay tiyakin na ang bakuna ay maipamamahagi ng maayos sa kanilang mga constituents.
“Vaccines may expiration. Kailangan pagdating sa inyo, mapatakbo na agad ang administrative pati local hospital so you will not waste the vaccine because we didn’t deliver it on time,” ani Pangulong Duterte.
“I am saying this because I do not want to lose the battle here thru negligence The problem is if you are not able to administer the vaccines on time because there is a limited to their effectiveness,” dagdag na pahayag nito. (Daris Jose)