• July 19, 2025

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Mataas na kaso ng Mpox, naitala sa NCR – DOH

KINUMPIRMA ng Department of Health (DOH) na sa National Capital Region (NCR) naitala ang pinakamaraming kaso ng Mpox sa bansa, ngunit tiniyak na hindi kailangang magpatupad ng lockdown sa rehiyon dahil dito.
Ayon kay Health Assistant Secretary at Spokesperson Albert Domingo, bagama’t pinakamaraming kaso ng Mpox na naitala sa NCR, bumaba na ang overall cases sa buong bansa. Wala na rin aniya silang lalawigan na binabantayan sa ngayon.
“Wala po tayong natatanging probinsya na binabantayan. Kung tatanungin n’yo ako kung saan ang pinakamaraming kaso, nasa Metro Manila. Kailangan bang kabahan tayo? Kaila­ngan bang mag-ECQ, mag-GCQ? Hindi po,” aniya.
Paliwanag ni Domingo, dahil ang NCR ang pinakamalaking rehiyon sa Pilipinas at may 10 milyong taong nakatira rito, natural lamang na kahit anong sakit ang kumalat ay pinakamaraming maitala sa rehiyon.
Natukoy na nila kung nasaan ang mga pasyenteng dinapuan ng sakit, at sila ay naka-isolate na at malaunan ay gumaling na mula sa karamdaman.
Nilinaw din ni Domingo na hindi ang kabuuang bilang ng mga taong nagkakasakit ang dapat bantayan, dahil tiyak na padami ng padami ang mga ito.
Dapat bantayan ang bilang ng mga bagong kaso na naitatala kada buwan, na sa ngayon ay nakikita naman aniya nilang patuloy na bumababa, maging sa NCR.