• July 17, 2025

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Mayor Jeannie, hinikayat ang Malabueños na isulong ang local food products ng lungsod

SA pagdiriwang ng ika-426th Founding Anniversary ng Malabon, nanawagan si Mayor Jeannie Sandoval sa mga Malabueño na suportahan ang mga lokal na produkto ng pagkain at yakapin ang diwa ng Bayanihan bilang isang makabuluhang paraan upang parangalan ang mayamang pamana at masiglang kultura ng lungsod.
“Sa ating pagdiriwang ng ika-426 na Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Malabon, ating pong itangkilik ang sariling atin. Ang mga pagkain at mga produktong gawang Malabon ang nagbibigay sa atin ng pagkakakilanlan hindi lang sa ating lungsod, kundi sa buong Pilipinas at sa mundo. Gaya ng Pansit Malabon, na kamakailan lang ay ating itinampok upang hirangin ang ating lungsod bilang isang World Record holder. Sa ating pagpapakita ng ating mga tinatanging mga produkto, ating naipapamalas ang galing ng mga Malabueno at ang kultura at pamana ng bawat komunidad sa ating lungsod. Happy Tambobong Festival, Malabueños,” ani Mayor Jeannie.
“Ito rin po ay ating pagkakataon upang patuloy na magkaisa, magkapit-bisig upang ipadama sa ating kapwa ang malasakit, pagkalinga, at bayanihan, na siyang magdadala sa atin sa isang mas maunlad, mas inklusibo, mas magandang komunidad na may mayabong na kultura at ekonomiya,” dagdag niya.
Kilala ang Malabon bilang “City of Flavors and Heritage,” na patuloy na ipinagmamalaki ang makasaysayang kahalagahan at natatanging lokal na pagkakakilanlan.
Sa kasaysayan, ang Malabon ay umunlad sa pamamagitan ng pangingisda at industriyang pang-agrikultura nito na matagal nang ipinagdiriwang para sa heritage homes, makulay na cultural traditions, at kilalang lutuin.
Noong Marso 2025, itinampok ang Pancit Malabon sa matagumpay na pagtatangka ng Guinness World Record ng lungsod para sa longest line of bowls of noodles.
Inilunsad din ng pamahalaang lungsod noong 2023 ang One Barangay, One Product event kung saan ang bawat barangay sa lungsod ay nagpakita ng pinakamahusay na mga produktong pagkain at non-food products na kinikilala ng mga residente para isulong ang iba’t ibang produkto mula sa mga komunidad nito.
“Sa pamumuno ng ating butihin Mayor Jeannie Sandoval, ang pagpapatuloy po ng ating nasimulan bilang isang bayan, isang komunidad, sa ating layuning pag-unlad ay sigurado,” pagbabahagi ni City Administrator Dr. Alexander Rosete.
“Ngayong ating ipinagdiriwang ang ating anibersaryo, ating tandaan at isapuso kung ano nga ba ang ibig sabihin ng pagiging isang Malabueno— ang pagiging matatag, mapagkumbaba, may malasakit at may pagkakaisa tungo sa isang progresibong lungsod,” dagdag niya. (Richard Mesa)