Mega vaccination site sa Nayong Pilipino gagawing 24/7
- Published on May 25, 2021
- by @peoplesbalita
Maaaring magkaroon ng 24/7 na operasyon ng pagbabakuna kontra COVID-19 sa planong mega vaccination site sa Nayong Pilipino.
Sinabi ni National Task Force Against Covid-19 spokesman Restituto Padilla, na angkop ang planong mega vaccination site sa Nayong Pilipino dahil mayroon umanong sariling storage facility doon kaya maaaring gawin ito dahil mayroong makukuhang bakuna na tuluy-tuloy.
Nilinaw naman ni Padilla na hindi pa inilulunsad ang kontrobersyal na proyekto subalit plano itong simulan ng gobyerno ngayong buwan dahil maayos na itong napagkasunduan.
Ayon naman kay vaccine czar Carlito Galvez Jr., na hindi pa pirmado ng Nayong Pilipino Foundation (NPF) Board of Trustees (BT) ang naturang proyekto.
Nauna na rin sinabi ng NPF na ang konstruksyon ng mega vaccination site sa lugar ay makakaapekto sa kapaligiran dahil puputulin ang halos 500 puno doon. (Gene Adsuara)