• July 17, 2025

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Mental health issue itawag sa Unified 911 – DILG

HINDI lamang emergency case o krimen ang maaaring itawag sa Unified 911 kundi maging mental health concerns.

Ito naman ang sinabi ni Interior and Local Government Jonvic Remulla, kung saan magtatalaga ng isang desk sa 911 Command Center na tututok sa mental health intervention at ide-deploy dito ang counselors na sinanay sa National Center for Mental Health (NCMH) para magbigay ng psychosocial support.

“Mayroon kaming counselors na kung may nararamdaman ang ating kabataan, o alam n’yong may nararamdaman kayo, puwedeng tawagan at mayroong puwedeng rumesponde,” ani Remulla.

Sa pagtaya ni Remulla sa sandaling ma­ilunsad ang Unified 911, 2 porsiyento ng 50,000 tawag kada araw ay tungkol sa mental health.

Target ng DILG na maipatupad ang Unified 911 sa buwan ng Agosto o Setyembre.

Nakatakda ring bumili ang DILG ng communication equipment, police vehicles, at fire trucks para sa mas mabilis na pagresponde.

“Kapag operate namin, magiging dispatch center yung mga LGUs,” dagdag pa ng Kalihim.