Mga benepisaryo, kailangang magpakita ng ID o kasama sa listahan ng barangay
- Published on November 10, 2022
- by @peoplesbalita
SINABI ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na kailangang magpakita ng official identification card ang isang aid beneficiary o kaya naman ay kasama sa listahan ng barangay para makatanggap ng cash assistance mula sa gobyerno.
Kasunod ito ng alegasyon ng sinasabing “overly strict rules.”
Sinabi ni DSWD Social Marketing Services Director Marlouie Sulima na hindi na kailangan na magpakita ang mga calamity victims ng proofs of residence, sabay sabing sapat na ang makapagpakita ng isa lamang sa mga nabanggit para makakuha ng ayuda.
“Sa ngayon po ay kinakailangan na lamang magpakita ng ID ng mga residenteng nasa listahan ng mga biktima ng mga kalamidad na ibinibigay ng LGUs upang mabigyan sila ng ayuda,” ayon kay Sulima.
“Kung wala silang maipakitang ID o anumang identification document, sapat na ang listahang ibibigay ng kanilang LGU upang mabigyan ng ayuda,” dagdag na pahayag nito.
Tinuran ni Sulima na ang pagbabawas sa requirements ay isa sa naging direktiba ni Social Welfare and Administration Secretary Erwin Tulfo. (Daris Jose)