• July 17, 2025

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

MTPB TRAFFIC ENFORCER NAKIPAGHABULAN SA MGA SNATCHER, 2 MENOR DE EDAD ARESTADO

NAARESTO ng isang traffic enforcer ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) ang dalawang menor de edad  na nang-agaw ng cellphone sa  isang senior citizen na naglalakad sa Tondo, Maynila.

 

 

Hawak ngayon ng Manila Social Welafre and Development  ang naarestong suspek  na ang isa ay nasa edad 15 at ang isa ay nasa 14 anyos na kapwa residente ng Baseco Compound, Port Area sa Maynila makaraang agawan ng cellphone ang biktimang si Romansita Lira, 63, ng Maypajo, Caloocan City.

 

 

Sa ulat, dakong ala-1:00 kamakalawa ng hapon nang naganap ang insidente sa kanto ng Moriones  at Juan Luna Sts., sa Tondo.

 

 

Sa inisyal na imbestigasyon, nagmamando ng traffic  si Joel T. Santos, MTPB traffic enforcer, sa nasabing lugar ng pinangyarihan nang maaktuhan nito na nagsisisigaw at humihingi ng tulong ang biktima na senior citizen dahil inagaw ang kanyang  cellphone.

 

 

Hinabol ni Santos ang dalawang lalaki na nang-agaw ng cellphone hanggang sa makarating sila sa Franco St., Tondo kung saan nakorner at nahuli ang mga suspek.

 

 

Dinala sa MPD-Station 7 ang mga naarestong suspek kung saan nadiskubre nila na kapwa mga menor de edad ang mga ito makaraang puntahan sila ng kanilang mga kaanak.

 

 

Narekober naman sa mga suspek ang cellphone at ibinalik ito sa biktima kung  saan nagpahayag ito na hindi na magsasampa ng reklamo nang malaman na menor de edad ang mga ito. (GENE ADSUARA)