Multa o community service sa mga mahuhuling magtatapon ng basura sa estero, ilog at kanal –MMDA
- Published on July 1, 2021
- by @peoplesbalita
PAGMUMULTAHIN o gagawa ng community service ang isang indibidwal na mahuhuling magtatapon ng basura sa estero, ilog at kanal na itinuturong dahilan kung bakit nagbabara ang mga pumping stations sa Kalakhang Maynila.
Sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chair Benhur Abalos kung ang MMDA lamang ang masusunod ay ang kanyang mga nabanggit na kaparusahan ang nababagay sa isang taong walang disiplina sa pagtatapon ng basura.
Iyon nga lamang, nais niyang magkaroon ng iisang patakaran ang lahat ng siyudad at bayan sa Kalakhang Maynila na magtatakda ng parusa sa mga walang disiplina.
‘Kung mahuhuli kang nagtatapon.. sige magwalis ka diyan kahit isang oras, linisin mo lahat o kaya ikaw ang maghango ng basura sa dagat.. sa river para maranasan mo naman kung paano maglinis ng ano? ,” ayon kay Abalos.
Hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat na matagal nang problema ang tambak na basura na bumabara sa mga pumping stations sa Kalakhang Maynila .
Ito ang itinuturong dahilan nang konting ulan lang ay bumabaha na agad.
Dahil dito, ang naisip na solusyon ng MMDA ay gamitan ng trash boom na magsisilbing pangharang para sa mga basura para hindi na umabot pa sa pumping stations.
Kamakailan ay naglatag ng trash boom ang MMDA sa Estero de Tripa de Gallina, sa Pasay City.
“We have to protect our pumping stations otherwise, kapag naka problema ‘yan talagang magkakaproblema tayo ng baha sa Kalakhang Maynila,” anito.
Samantala, tinatayang 32 tonelada ng basura ang nakukuha sa mga pumping stations kada taon.
May mga pagkakataon din ani Abalos na sumosobra na ang bara kaya nangyayari aniya ay bumibigay ang mga pumping stations.
Sa ulat, tatlo sa 8 unit ng Estero de Tripa de Gallina, pumping stations ang nasisira taun-taon dahil sa basura. (Daris Jose)