MVP tiwala sa Pinoy athletes sa Tokyo Olympics
- Published on June 1, 2021
- by @peoplesbalita
Tiwala si business tycoon Manny V. Pangilinan sa magiging kampanya ng Team Philippines sa Tokyo Olympics na idaraos sa Hulyo.
Naniniwala ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) chairman emeritus na malaki ang tsansa ng Pilipinas na makasungkit ng gintong medalya sa Tokyo.
Nakatutok si Pangilinan sa galawan sa kampanya ng mga atletang Pilipino para sa Tokyo Olympics.
At base sa mga nagkwalipika, optimistiko si Pangilinan na malakas ang pag-asa ng Pilipinas na tuluyang matuldukan ang pagkauhaw sa gintong medalya.
“I think they have a decent and good chance that some of them will win the gold finally and we can only pray,” ani Pangilinan sa programang The Chasedown.
Kaya naman umaasa si Pangilinan na matutuloy ang Tokyo Olympics sa kabila ng kaliwa’t kanang panawagan na kanselahin na lamang ito dahil sa coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
Hindi lamang si Pangilinan ang nagbigay ng suporta para matuloy ang Tokyo Games dahil mismong ang European Union ay nais matuloy ang quadrennial meet.
Kailangan lamang itong isagawa ng maayos para masiguro ang kaligtasan ng mga atleta, coaches at opisyales na dadalo sa Tokyo Olympics.
“I think it’s good for it (Olympics) to push through because I’ve always held a view that you can’t allow an external force like this (pandemic) to drive your life. I hope the Olympics will continue. I wish our athletes all the best,” ani Pangilinan.
Sa kasalukuyan, may siyam na atletang Pilipino na ang kwalipikado sa Tokyo Olympics.