
NATANONG si Pepe Herrera kung sino ang pinapangarap niyang makasama sa pelikula.
Sagot niya, “Marami po. Nora Aunor kasi magaling siya, e. Dolphy, kaso wala na po siya e. Vilma Santos kasi parang magkasing-galing sila ni Nora and then, Maricel Soriano po.
“Sa mga lalaki naman, ang gusto ko pong makatrabaho, una sa lahat ay si Noni Buencamino, marami po ha pero yung mga una ko lang na maiisip.”
Hindi pa niya nakakasama si Noni?
“Nakasama na rin po, nakasama na po pero hindi mahabang eksena. Pangalawa po ay si Lav Diaz, pangatlo ay si Ronnie Lazaro po.”
Bakit si Lav e direktor iyon?
“Napanood ko po siyang aktor sa isang pelikula, e.”
Samantala, ang role niya sa pelikulang ‘Sampung Utos Kay Josh’ ay si Satanas.
At may lumabas na balitang nagalit ang ama niya dahil dito.
“Hindi naman po siya yata nagalit kasi po hindi naman siya sumigaw, parang nagtampo yata,” sabi ni Pepe.
Bakit siya nagtampo?
“Kasi meron po kaming parehas na paniniwala, meron din po pagkakaiba, kaya minsan we just agree to disagree with respect.”
Sa pelikulang ‘Rewind’ nina Marian Rivera at Dingdong Dantes ay siya si Lodi o si God, ngayon naman ay siya si Satanas, saan mas nahirapan si Pepe?
“Wala, hindi po ako nahirapan sa parehas kasi magaling po akong aktor e.”
Parang ang hirap i-portray ng papel ni Satanas, banggit namin kay Pepe.
“Sa karanasan ko hindi naman po kasi iba-iba po kasi yung interpretation ng mga pelikula at mga direktor sa Satanas.
“May mga pino-portray na Satanas na nakakatakot, may Satanas na pino-portray na pilyo, may Satanas na pino-portray na mapang-akit, may Satanas na pino-portray na siraulo.
“Doon po yata ako sa siraulo.”
Hindi raw siya nagkaroon ng second thought na gampanan ang naturang papel?
“Hindi po, wala po. Hindi po ako nagdalawang-isip. “Gusto niyo po bang malaman kung bakit?
“Kasi po bilang isang tao na namumuhay ayon sa palagay ko, gustong mangyari ng ating may likha para sa ating lahat, naniniwala po ako na kailangan bilang isang artista gampanan ko po ang buong sakop ng buhay at kabilang buhay.
“Para maunawaaan natin ng husto kung ano nga ba yung tama o mali, yung maitim sa puti, yung mainit sa malamig at alam niyo na po kung ano pa yung iba.”
Natanong si Pepe kung madasalin ba siya?
“Ay opo,” pakli niya, “idol ko si Papa Jesus, born Catholic, yes.”
Nagdasal ba siya bago niya ginampanan si Satanas?
“Palagi po akong nagdadasal, sa araw-araw hindi ko po mabibilang kung ilang beses ako nagdadasal.
“Basta pag nararamdaman kong gusto kong magdasal at kailangan kong magdasal sa isang araw kesyo nagda-drive ako, kesyo umiihi ako, kesyo kumakain ako, kesyo tumatae ako, kesyo bago ako matulog, kahit ano pang ginagawa ko, nagdadasal po ako.”
Hindi naman nag-manifest sa kanya in any way ang spirit ng devil habang ginagawa niya ang pelikula?
“Malakas po kasi yung pananalig ko sa Diyos.”
Sila ni Jerald Napalos ang mga bida sa ‘Sampung Utos Kay Josh.’
Pareho sila ni Jerald na komedyante at magaling umarte, was there a time na parang nagkakaroon sila ng competition?
“Sabi po nila minsan hindi raw po yun naiiwasan pero kung ako tatanungin ninyo ayoko
po nun, collaborative po ako, e.
“So sabi nila minsan nakakasapaw ako dahil ang lakas ng personality ko, e what can I do kung ganun talaga ako, di ba?
“Pero yung mga kaibigan ko po alam nila ito na, ‘Uy si Pepe talaga’, si Jerald, kung may role siyang gusto at gusto ko rin, kayang-kaya ko pong ipaubaya yun sa kanya kasi mahal ko po siya.”
Sa direksyon ni Marius Talampas at panulat ni Sherwin Buenvenida, palabas pa ngayon sa mga sinehan ang ‘Sampung Utos Kay Josh’ mula sa Viva Films at Studio Viva.
(ROMMEL L. GONZALES)