SUMABOG ang balita tungkol sa pag-amin ni Gerald Santos na siya ay biktima ng pang-aabusong sekswal noong nakaraan taon.
Kaya sa panayam namin sa kanya para sa concert niyang ‘Courage’ na idaraos ngayong Enero 24, isang sensitibong tanong ang itinawid namin.
Tinanong namin ang binata kung dumating ba siya sa punto na nagkaroon siya ng problema tungkol sa kanyang sexual functioning?
May mga biktima rin na nagkakaroon ng phobia sa sex.
Aniya, “Ahhh, siyempre nung umpisa, nung una talagang traumatic. Very traumatic.
“Inano ko talaga, ininda ko iyon. May times na talagang takot ka na… same kami ni Enzo.”
Ang singer rin na si Enzo Almario ay tulad rin ni Gerald na naging biktima diumano ng pang-aabuso mula sa musical director na si Danny Tan.
Pagpapatuloy ni Gerald, “Kasi si Enzo nagkuwento din siya, nung time na yun, siya daw nagkaroon siya ng phobia kapagka may nakakasama siyang matanda.
“So ganun din sa akin, so pagka may kasama akong matanda parang intimidated ako talaga, takot ako, feeling ko …”
Na may gagawing masama sa kanya ang sinumang kasama niyang matanda.
“Oo ganun, nagkaroon ako ng ganoon before din.”
Nagbibinata pa lamang si Gerald noong nakaranas siya ng pang-aabuso, edad kung saan mataas ang kanyang sexual at biological function bilang isang lalaki.
Hindi ba iyon naapektuhan?
“Hindi naman. Hindi naman.”
Hindi rin daw naging dahilan ang naging karanasan niya para tumaas o tumindi ang kanyang sexual desire o libido.
O mas natakot siyang makipag-sex?
Lahad niya, “Nung umpisa talaga parang… may takot.
“Nagkaroon ako ng parang pandidiri din, may ganun ka ring pakiramdam nung umpisa.
“But at that time kasi actually may girlfriend na ako nung time na yun, e. I have a girlfriend so, okay, okay naman.”
Patuloy na aktibo si Gerald sa showbiz, partikular sa mundo ng pagkanta, at alam ng lahat, maraming bading sa industriyang ito.
Labingsiyam na taong nanahimik si Gerald bago nagkalakas ng loob ng isiwalat ang masakit na sinapit niya.
“There’s a time for everything, tama,” bulalas ni Gerald.
“Tapos iyon nga, kasi I’m the breadwinner of the family so parang naging, imbes na mag-focus ako doon [sa traumatic experience] parang sabi ko, kailangan kong kumayod na lang for my family.
“So naging busy ako about life, in-overcome ko, napilit ko siyang ma-overcome.
“And then nitong lumabas yung isyu na iyon nagulat ako na somehow fresh pa rin siya.
“Nandun pa rin iyong sugat, siyempre nandun pa rin. “Kasi never namang nagkaroon ng closure.”
Kung sakaling makakaharap niya si Danny, may itatanong ba siya dito?
“Wala naman akong itatanong sa kanya.
“Basta ang masasabi ko lang ayun, walang lihim na ‘di mabubunyag. Kahit gaano katagal, biruin mo yun, 19 years lumabas pa rin so hindi siya makakawala sa katotohanan, sa hustisya.
“Darating talaga yung hustisya sa bawat isa.”
Kung sakaling isasalin sa pelikula o sa isang episode ng ‘Magpakailanman’ ang kuwento ng buhay ni Gerald kung saan ilalagay lahat, papayag siya.
Aniya, “I think that’s ano, okay lang sa akin, yeah, okay lang sa akin.”
Sino ang nais niya sanang gumanap bilang siya?
“Siguro kung tatanggapin baka puwede si Alden,” pagtukoy niya kay Alden Richards.
Samantala, ang Courage na concert ni Gerald ay gaganapin sa SM North EDSA Skydome kung saan ang mga special guests ay sina Erik Santos, Sheryn Regis at Aicelle Santos, Elish at ang P-pop boy group na Aster.
Ilo-launch sa Courage concert ang advocacy ni Gerald na Courage Movement.
Ito ay naglalayon na makatulong sa mga biktima ng sexual abuse at harassment.
At nito lamang Enero 10 ay ni-release ang latest single ni Gerald na pinamagatang “Hubad” sa lahat ng digital music platforms.
Ibang tunog o ibang Gerald Santos bilang singer ang maririnig sa “Hubad”.
Ang “Hubad” ay composed ni Feb Cabahug.
May bagong pelikula rin si Gerald, ang “Ayaw Matulog Ng Gabi” na ang scriptwriter at direktor ay ang NBI agent na si Ronald Sanchez.
(ROMMEL L. GONZALES)