• July 19, 2025

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

NHA, NAMAHAGI NG P3.2 MILYONG AYUDA SA MGA BIKTIMA NG KALAMIDAD SA TONDO, DAVAO ORIENTAL

NAMAHAGI ang National Housing Authority (NHA) ng kabuuang P3.2 milyong tulong pinansyal mula sa Emergency Housing Assistance Program (EHAP) nito sa 279 pamilyang apektado ng mga kalamidad sa Tondo, Maynila at sa Davao Oriental, sa dalawang magkasabay na seremonya kamakailan lang.
Sa ilalim ng patnubay ni NHA General Manager Joeben A. Tai, pinangunahan ni NHA NCR West Sector Officer-in-Charge Engr. Wenson O. Reyes ang aktibidad sa Tondo, kung saan nakasalamuha niya ang aabot sa 91 pamilya mula sa Brgy. 218, New Antipolo na nawalan ng tirahan matapos lamunin ng apoy ang kanilang komunidad.
Kasabay nito, naging kinatawan naman ni GM Tai si NHA Region 9 Manager Engr. Clemente A. Dayot sa isa pang EHAP distribution sa MARCC David Consunji Government Complex, Brgy. Bato-Bato, San Isidro, Davao Oriental, kung saan 252 na pamilya mula sa mga barangay ng San Isidro at Governor Generoso na sinalanta ng iba’t ibang kalamidad na tumama sa rehiyon ang nakatanggap ng ayuda.
“Sa ilalim po ng direktiba ng ating Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., kami po sa NHA ay palaging handa sa paghandog ng pinansyal na tulong para masuportahan kayong makabangon sa mabigat na pasanin dulot ng trahedya,” ani GM Tai.
Ang EHAP ay isang programa ng NHA na nagbibigay-tulong sa pamamagitan ng cash assistance para sa mga pamilyang naapektuhan ng mga sakuna tulad ng bagyo, sunog, lindol, at baha. Layunin din ng programa na tulungan ang mga benepisyaryo na magsimulang muli sa pamamagitan ng muling pagtatayo ng kanilang mga bahay.
Ayon sa mga alituntunin ng programa, ang NHA ay magbibigay ng tulong pinansyal sa mga benepisyaryo mula P5k, P10k, at P20k depende sa tindi ng pinsalang natamo ng kanilang tirahan. (PAUL JOHN REYES)