• July 17, 2025

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

No. 1 most wanted sa murder sa Valenzuela, nalambat sa Isabela

NAGWAKAS na ang pagtatago ng 55-anyos na lalaki na wanted sa kasong pagpatay sa Valenzuela City matapos matunton ng pulisya sa kanyang pinagtataguang lugar sa Isabela.

Sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni Valenzuela police chief P/Col. Gerson Bisayas na nagtatago sa probinsya ng Isabela ang akusado na si alyas “Federico”, na nakatala bilang No. 2 Most Wanted Person sa Northern Police District at No. 1 MWP naman sa Valenzuela CPS.

Kaagad nakipag-ugnayan ang mga operatiba ng Valenzuela Police Warrant and Subpoena Section (WSS) sa San Mateo Municipal Police Station bago ikinasa ang joint manhunt operation na nagresulta sa pagkakaaresto kay ‘Federico’, dakong alas-7:30 ng gabi sa Brgy. Lanna, Tumauini, Isabela.

Si ‘Federico’ ay binitbit ng mga tauhan ni Col. Bisayas sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Valenzuela City Regional Trial Court Branch 282, noong December 20, 2024 para sa kasong Murder na walang inirekomendang piyansa para sa kanyang pansamantalang paglaya.

Pinuri naman ni P/BGen. Arnold Abad, Acting District Director ng Northern Police District ang Valenzuela police sa kanilang mabilis at coordinated na pagsisikap.  “This arrest reflects our unwavering commitment to uphold the rule of law and ensure the safety and security of our communities.” pahayag niya. (Richard Mesa)