No EDSA rehab kung ‘di solid rerouting plans-PBBM
- Published on June 10, 2025
- by @peoplesbalita
WALANG mangyayaring rehabilitasyon sa EDSA hangga’t walang “solid” na mga plano sa rerouting at hindi handa ang mga local government units (LGUs), ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Nauna rito, ipinagpaliban ng Pangulo ng isang buwan ang rehabilitasyon ng EDSA na nakatakda sanang simulan sa Hunyo 13, 2025.
Ayon sa Pangulo, ang dalawang taong timetable ay isang malaking sakripisyo dahil mas lalong bibigat ang kondisyon ng trapiko.
“Ang sabi ko nga ay masyadong matagal ‘yung dalawang taon para maabala ang mga kababayan natin,” ani Marcos sa kanyang vlog nitong Linggo.
“Hangga’t wala akong nakikitang solid na mga rerouting plans at masiguro na handa na ang mga LGU, ‘wag muna natin gawin, ayusin muna natin ang mga plano,” dagdag ni Marcos.
Tinatayang aabot ng P8.7 bilyon ang magagastos para gawing moderno ang EDSA.
Sinabi ni Transportation Secretary Vince Dizon nitong Martes na nais ni Marcos na mapabilis ang muling pagtatayo ng major thoroughfare na umaabot ng 23.8 kilometro. Mula sa dalawang taong proyekto, nais ng Pangulo na tumagal lamang ito ng anim na buwan. (Daris Jose)