P6.8 milyon halaga ng shabu nasamsam sa buy bust sa Caloocan
- Published on March 24, 2021
- by @peoplesbalita
Tinatayang nasa P6.8 milyon halaga ng shabu ang nasabat ng mga awtoridad sa isang construction worker matapos maaresto sa isinagawang buy bust operation sa Caloocan city, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Caloocan police chief Col. Samuel Mina Jr. ang naarestong suspek na si Masod Hadji Karim alyas “Bossing”, 36, (Pusher), Construction Worker ng Riverside, Phase 12, Brgy. 188, Tala.
Sa report ni Col. Mina kay Northern Police District (NPD) Director PBGEN Nelson Bondoc, dakong 4:40 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PMAJ Deo Cabildo, kasama ang 6th MFC RMFB-NRCPO sa pangunguna ni PMAJ Vilmer Miralles at PDEA Northern District Office sa pangunguna ni IAV Joel Villorente ng buy bust operation sa bahay ng suspek.
Kaagad sinunggaban ng mga operatiba ang suspek matapos bentahan ng isang medium plastic sachet ng shabu na nasa P50,000 ang halaga si PCpl Noel Sison na nagpanggap na poseur-buyer.
Nakumpiska sa suspek ang tinatayang nasa 1,000 grams (1 klg.) ng hinihinalang shabu na may DDB standard value P6,800,000. 00, buy-bust money na binubuo ng 2 piraso ng tunay na P1,000 bills at 48 piraso ng P1,000 Boodle/money.
Ayon kay Col. Mina, ang operation ay nag-ugat sa isang impormasyon na inihiyag ng isang Regular Confidential Informant (RCI) sa SDEU at matapos ang isang linggong validation ay nakumpirma na tama at maaasahan ang ulat.
Kaugnay nito, pinuri ni NCRPO RD PMGEN Vicente Danao Jr. ang Caloocan Police sa ilalim ng pangangasiwa ni Col. Mina at NPD sa ilalim ng pangangasiwa ni PBGEN Bondoc dahil sa matagumpay na drug operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek at pagkakakumpiska sa illegal na droga. (Richard Mesa)