• July 17, 2025

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Pacquiao itinuturing na biggest challenge si Spence

Aminado si eight-division world champion Manny Pacquiao na pina­kamalaking pagsubok sa kanyang boxing career ang makasagupa si Errol Spence Jr.

 

 

Ayon kay Pacquiao, hindi birong kalaban ang katulad ni Spence.

 

 

Una, wala pa itong talo.

 

 

Ikalawa, hawak nito ang dalawang titulo — ang World Boxing Council (WBC) at Intrenational Boxing Federation (IBF) welterweight titles.

 

 

Ikatlo, kasalukuyan itong No. 1 pound-for-pound.

 

 

At ikaapat, mas bata ito na 31-anyos pa lamang kumpara sa 42-anyos na si Pacquiao.

 

 

“Malaking challenge ito. Big fight at ito na yung pinakamalaking challenge sa career ko. Wala pa siyang talo and siya ang NO. 1 pound-for-pound ngayon,” ani Pacquiao.

 

 

Subalit hindi nasisindak ang Pambansang Kamao dahil hindi ito humaharap sa mga pipitsuging boxers.

 

 

At handa itong ilabas ang kanyang bagsik sa oras na magkrus ang kanilang landas sa Agosto 21 (Agosto 22 sa Maynila) sa Las Vegas, Nevada.

 

 

“Mahilig ako sa challenge. ‘Yung laban na may challenge talaga. Hindi ako lumalaban sa pipitsugin. Excited na ako na bumalik sa Las Vegas para lumaban ulit dahil matagal din akong naghintay,” ani Pacquiao.

 

 

Sumalang na sa puspusang ensayo si Pacquiao para paghandaan ang mega fight.

 

 

Kasalukuyang nakaabang ang Team Pacquiao sa anunsiyo ng World Bo­xing Association (WBA) para maibalik ang korona nito.

 

 

Sa oras na muling mahawakan ni Pacquiao ang WBA  belt, pormal nang maituturing na unification fight ang laban nito kay Spence.