• July 19, 2025

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Pag-abolish sa SHS, bahala na ang Kongreso na magdesisyon- Angara

TANGGAP ni Education Secretary Sonny Angara ang pagkapaso ng implementasyon ng senior high school (SHS) curriculum sa ilalim ng K to 12 program, subalit bahala na aniya ang Kongreso na magdesisyon kung ipagpapatuloy pa ito o hindi.
Ito’y matapos na maghain si Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada ng panukalang batas (Senate Bill No. 3001) upang tanggalin ang Senior High School (SHS) mula sa programang K to 12 dahil hindi pa rin natutupad ng SHS ang layunin nitong makapagtapos ng mga job-ready na mag-aaral kahit 12 taon na ang nakalipas mula nang maipatupad ang Republic Act No. 10533.
Sinabi naman ni Angara na nakatakdang magpatupad ng pagbabago ang DepEd sa SHS ngayong nalalapit na ang School Year 2025-2026, sa pamamagitan ng pilot run ng binagong SHS curriculum.
“Hindi maganda ang naging implementation nitong nakaraang dekada. Masyadong marami ang subjects at nakahon masyado ang mga bata. Hindi sila nakakapili ng subject/s,” ang sinabi ni angara sa isang kalatas.
“Having said that, ang desisyon kung ipagpapatuloy ang SHS o hindi ay Kongreso lamang po ang makakapagsabi at makakapag-pasya,” ayon pa rin sa Kalihim.
Ang School Year 2025-2026 ay nakatakdang magbukas sa June 16, 2025 at magtatapos sa March 31, 2026.
Sa ulat, mahigit 800 eskwelahan sa buong bansa ang nakatakdang magpartisipa sa pilot run ng binagong Senior High School (SHS) curriculum ng basic education program ngayong incoming School Year 2025-2026.
Ang paliwanag ni Department of Education (DepEd) Undersecretary Wilfredo Cabral sa isinagawang briefing ng Committee on Basic Education and Culture na ang central office ng DepEd ay paunang naglista ng 727 eskwelahan na klasipikado bilang “highly ready” na makasama para sa gagawing pagsubok ng pinalakas at pinatibay na programa para sa Grades 11 at 12.
Gayunman, sa nakuhang feedback mula sa Senate Committee on Basic Education, nagdesisyon ang central office na magdagdag ng “moderately ready” private schools at rural schools, na nagresulta sa partial list na 841 paaralan.
Tinuran pa rin nito na ang 841 pilot schools ay kumakatawan sa 6.60% ng 12,739 kabuuang SHS schools sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa 841 eskwelahan, 580 ang public at 261 naman ang private. Tinatayang 806 ang learning institutions na nanggaling sa urban areas, habang 35 naman ang mula sa rural areas.
Sa oras na magsimula na ang pilot test, mahigpit na imo-monitor ng DepEd ang implementasyon sa iba’t ibang mga antas ng pamamahala. Nakipagtulungan na rin ang ahensya sa Philippine Institute for Development Studies para planuhin at ipatupad ang isang ‘reliable evaluation study’ ukol sa nasabing usapin.
Ang pagsasanay ng mga guro na magpapartisipang paaralan ay isasagawa mula May 25 hanggang June 7. ( Daris Jose)