Pagbabayad sa kuryente, tubig, unti-untiin
- Published on May 4, 2021
- by @peoplesbalita
Kapwa nagpaalala ang mga pamunuan ng Manila Electric Company (Meralco) at ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) sa kanilang mga konsyumer na kung kakayanin ay unti-untiin na nilang bayaran ang kanilang mga nakonsumong kuryente at tubig upang hindi magkapatung-patong ang kanilang bayarin.
Ayon kay Meralco Spokesperson Joe Zaldarriaga, “Kung meron namang kakayahan na i-settle o bayaran ang electric bill that is very welcome kasi kailangang isaalang-alang na nagamit na po ‘yang kuryente.”
Aniya, inaasahan na rin ng Meralco na hahaba muli ang pila sa kanilang mga sangay kapag nagsimula ang putulan dahil marami muli ang makikiusap na uunti-untiin ang pagbabayad.
Samantala, ayon naman sa MWSS, kung hindi kayang bayaran ng isang bagsakan dahil kulang sa pera ay maaaring pumunta sa Maynilad o Manila Water para makiusap na hatiin o gawing installment ang bayad.
“Puwede po nilang i-appeal ang desisyon ng Maynilad at Manila Water at iakyat po sa amin. Ang concern natin is ayaw natin na lumaki nang sobra ang water bill mo na mahihirapan ka talagang mabayaran,” paliwanag naman ni MWSS chief regulator Patrick Ty.