Paghahanda sa posibleng pag-alburoto ng Bulkang Taal, hinuhusto na ng DILG at lokal na pamahalaan
- Published on July 14, 2021
- by @peoplesbalita
NGAYON pa lamang ay hinuhusto o kino-kompleto na ng lokal na pamahalaan sa tulong ng DILG, PNP at Bureau of Fire Protection ang paghahanda sa mga munisipyo at siyudad na nakapalibot sa Bulkang Taal.
Ito ang iniulat ni DILG Secretary Eduardo Año kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa Talk to the People, Lunes ng gabi.
“Nais ko munang simulan ang aking ulat sa pagbabahagi sa lahat ng paghahandang ginagawa ng ating mga LGUs sa mga lugar na apektado ng pagligalig ng Bulkang Taal pati na ang mga kalapit na LGUs na maaaring maapektuhan sakaling tuluyang pumutok muli ang bulkan,” ayon sa Kalihim.
Ayon aniya sa pinakahuling anunsyo ng PHIVOLCS, nananatili sa Alert 3 Level or Alert Level 3 ang bulkan.
Habang patuloy aniya ang aktibidad ng bulkan ay umabot na sa 4,363 pamilya ang ngayon ay apektado at kasalukuyang mino-monitor ng LGUs sakaling magbago ang kalagayan ng bulkan.
Samantala, 30 evacuation centers na na nasa pangangalaga ng lokal na pamahalaan ng Batangas at Cavite ang nangangalaga sa mahigit 1,000 pamilya o higit 4, 000 indibidwal na ngayon ay mga nasa evacuation centers at sinisigurado aniya ng lokal na pamahalaan na masusunod ang minimum health and safety protocols sa mga pasilidad upang mapanatiling ligtas sa COVID ang lahat ng personnel at evacuees.
Sinabi pa rin ni Año na patuloy ang pagtalaga ng PNP ng kanilang mga tauhan gaya ng search and rescue teams at health protocols.
Ang enforcement teams aniya ay naka-standby.
“Reactionary standby support teams na nandoon mismo sa area kung sakaling tuluyang pumutok ang bulkan. Mayroon din po tayong 700 fire trucks, 14 rescue trucks, 21 ambulance, seven watercraft at about 1,072 firemen na nakatalaga para magligtas kung sakaling pumutok ang bulkan,” ang pag-uulat ni Año. (Daris Jose)