PATAFA pinirmahan na ang mediation agreement ng PSC
- Published on January 14, 2022
- by @peoplesbalita
PINATUNAYAN ng athletics association ang kanilang hangaring tuluyan nang plantsahin ang gusot nila kay national pole vaulter Ernest John Obiena.
Opisyal nang nilagdaan ng Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) ang mediation agreement ng Philippine Sports Commission (PSC) para masolusyunan ang isyu nila kay Obiena.
“On behalf of the Board of Trustees of the Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) Board of Directors, the PATAFA confirms its participation in the PSC Mediation,” wika ni PATAFA Board Member Datu Yusoph Mama sa sulat niya kay PSC chairman William’ Butch’ Ramirez na may petsang Enero 11.
Ang athletics association ay kakata-wanin nina president Philip Ella Juico, Atty. Aldrin Cabiles at Alfonso Sta. Clara sa mediation table.
Nilalaman din ng sulat ng PATAFA ang pagpapaliban nila ng dalawang linggo sa pag-apruba sa rekomendasyon ng kanilang Investigative Committee para sa pagtatanggal kay Obiena sa national pool.
Sinabi kamakalawa ni Ramirez na ang mediation lamang ang tanging solusyon sa bangayan nina Juico at Obiena na nagsimula sa isang liquidation issue ng pole vaulter para sa coaching fee ni Ukrainian trainer Vitaly Petrov.
“That’s why humility, generosity, respect and forgiveness is extremely important in the midst of mediation,” wika ng PSC chief.
Naniniwala si Ramirez na pipirmahan din ng Southeast Asian Games at Asian meet record-holder ang mediation agreement ngayong linggo.