PBBM INILUNSAD ANG PAMILYA PASS 1+3 PROMO PARA SA MGA LINYA NG TREN SA METRO MANILA
- Published on June 3, 2025
- by @peoplesbalita

Saklaw ng programa ang MRT-3 at LRT Lines 1 at 2, na magsisimula sa Hunyo 1, 2025, at tatagal hanggang sa huling Linggo ng 2028.
Layunin ng inisyatibong ito na mapagaan ang gastusin sa transportasyon at hikayatin ang mas madalas na pagsasama-sama ng pamilya. Binanggit ni Pangulong Marcos na ang Linggo ay tradisyunal na araw ng pagtutok sa pamilya, kaya’t nais nilang bigyang pagkakataon ang mas maraming Pilipino na makapag-bonding nang hindi iniisip ang pamasahe.
Sa ilalim ng promo, ang isang nagbabayad na pasahero ay maaaring magdala ng tatlong miyembro ng pamilya o kasamahan nang libre. Kasama sa mga maaaring makinabang ang magulang at anak, lolo at lola kasama ang apo, magkapatid, tiyuhin at tiyahin, o tagapangalaga na may kasama.
Ipinahayag ni Kalihim ng Transportasyon Vince Dizon na patuloy ang pagsisikap ng gobyerno na gawing mas abot-kaya at madali ang pampublikong transportasyon para sa lahat ng Pilipino.
Pinangunahan ng Unang Pamilya ang paglulunsad ng programa sa GMA-Kamuning Station sa Quezon City.
Ang programang ito ay bahagi ng Bagong Pilipinas campaign, na naglalayong bigyang-diin ang kahalagahan ng oras ng pamilya habang tinutugunan ang mga hamon sa pampublikong transportasyon. (PAUL JOHN REYES)