PBBM, nais na itaas ang load limits sa San Juanico Bridge
- Published on June 21, 2025
- by @peoplesbalita
NAIS ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na itaas ang load limits sa San Juanico Bridge sa Disyembre ngayong taon.
“Ang schedule namin dapat by December, before the end of the year, ang pwede ng gamitin na sasakyan hanggang 12 tons,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa isang episode ng BBM Podcast.
“That’s a test, sabi ko pag hindi niyo natapos ‘yan, tatanggapin ko ‘yung resignation ninyo,” ang babala ng Pangulo.
Sa kabilang dako, humingi naman ng paumanhin ang Pangulo sa mga residente ng Samar at Leyte na apektado ng rehabilitasyon, sabay sabing hangad ng gobyerno ang kanilang kaligtasan.
“Well sorry na nangyari ito, alam ko ‘yung nararanasan ninyo, nararanasan ng ating mga transport operators, nararanasan ng ating mga negosyante,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.
“Kaya asahan ninyo minamadali namin na maayos kaagad ito,” aniya pa rin.
Buwan ng Mayo, sinabi ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan na maaaring tumaas ang kasalukuyang load limits ng San Juanico Bridge simula sa susunod na taon sa gitna ng rehabilitasyon nito.
Ang pagtaas ng load limits ay maaaring ipatupad sa last quarter ng taong kasalukuyan.
Ani Bonoan, ang ‘full capacity’ ng umiiral na San Juanico Bridge ay maaaring isagawa ”as soon as the new bridge is actually constructed.”
Sinabi pa ng departamento, ang kamakailan lamang na assessment ang nagpataas ng alalahanin ukol sa structural integrity ng San Juanico Bridge.
Pansamantala namang ipinagbabawal ang mga sasakyan na tumitimbang ng mas higit sa tatlong tonelada mula sa pagbagtas sa 2.16-kilometer bridge.
Samantala, ang San Juanico Bridge ang itinuturing na pinakamahabang tulay sa Pan-Philippine Highway na nag-uugnay sa Luzon at Mindanao ay itinayo noong 1969 at binuksan sa publiko noong 1973.
(Daris Jose)