PBBM, tinitingnan na ayusin at paghusayin ang K-12 curriculum- Malakanyang
- Published on July 3, 2025
- by @peoplesbalita
HINDI TUTOL si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa implementasyon ng K-12 program subalit nais nito na ayusin at paghusayin ang curriculum.
“Hindi na po siya tutol talaga sa K-12. Aayusin po ngayon,” ayon kay Presidential Communications Undersecretary at Palace Press Officer Claire CastroPalace Press Officer Claire Castro sa press briefing.
“Pero kung ano po ang magiging batas, iyan din po ang susundin. Pero sa ngayon na nandiyan ang batas, ito po ay bibigyan ng halaga at palalawigin at pagagandahin po,” aniya pa rin.
Gayunman, tanggap naman ni Pangulong Marcos ang kasalatan sa kahandaan sa pagpapatupad ng education program.
“Ang sinabi lang po niya ay hindi naging epektibo agad dahil hindi niya nai-prepare ang mga ahensya para dito,” ang sinabi ni Castro.
Nauna rito, nagpahayag ng pagkadismaya si Pangulong Marcos hinggil sa K-12 program at inatasan si Education Secretary Sonny Angara para palakasin ang curriculum at tugunan ang long-standing gaps sa education infrastructure.
Winika ni Castro na gagawin lahat ng kasalukuyang administrasyon ang pagsisikap nito para palakasin ang K-12 program.
“Ayon po sa ating Pangulo, hanggat nandyan ang batas para sa K-12, ito po ay susuportahan at palalawigin at pag-iibayuhin na maayos para sa ating mga estudyante,” aniya pa rin.
Sa ulat, naghain ng panukalang batas si Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada para alisin na ang senior high school sa ilalim ng basic education ng bansa. Ayon sa senador, bigo umano ang layunin ng K to 12 program na maihanda ang mga estudyanteng magtatapos na makapasok sa trabaho.
Paliwanag ni Estrada sa Senate Bill No. 3001, pagkaraan ng 12 taon mula nang ipatupad ang SHS sa ilalim ng K to 12 program, bigo pa rin itong makamit ang pangunahing layunin na mabigyan ng pagkakataon ang mga SHS graduate na makapasok ng trabaho.
Sa panukalang batas ni Estrada, nais niyang mapanatili ang pangunahing prinsipyo sa Republic Act No. 10533, o Enhanced Basic Education Act of 2013. Pero aalisin na ang SHS, “to simplify the high school system while still making sure students get quality education that meets global standards.”
Inirekomenda niya ang isang taon sa kindergarten education, anim na taon sa elementary education, at apat na taon sa secondary education. (Daris Jose)