PBBM, tinukoy ang pangangailangan na i-rehabilitate ang ‘Marcos-type’ school buildings
- Published on June 10, 2025
- by @peoplesbalita
BINIGYANG DIIN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pangangailangan na i-rehabilitate ang mga school buildings.
Ang katuwiran ng Pangulo, ilang dekada na rin naman kasing ginagamit ang mga gusali na tinawag niyang ”Marcos-type”.
Matapos inspeksyunin ang Tibagan Elementary School sa San Miguel, Bulacan, sinabi ng Pangulo na napansin niya na may ilang gusali ang maituturing ng ”Marcos-type,” na para sa kanya ay dapat nang palitan.
”Sa inspection namin, alam ninyo ba ‘yung ibang nakita namin na school building, Marcos-type school building pa, ang Marcos-type school building was supposed to be replaced between 20 and 30 years. Ang life niyan is 20 to 30 years, pero ayan mabuti na lang at nagagamit pa,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.
“Really, they have to look at the rehabilitation of many of them,” dagdag na wika nito.
Napansin din ng Pangulo na ang mga comfort rooms o banyo sa eskuwelahan ay kailangan ng ayusin, gayunman mayroong problema sa suplay ng tubig sa lugar, dahilan para mahirapan na i- rehabilitate ang mga banyo.
”One of the things that I noticed are the bathroom… kailangan na kailangan nating linisin at pagandahin ang bathrooms. Hindi naman mahirap gawin ‘yun except ang problema, sa mga pinuntahan naming eskwela, walang tubig. Kaya’t ‘yun ang titingnan naming mabuti kung saan dapat manggaling ang tubig. Bakit walang tubig, nagbabayad naman sila para sa kanilang water supply?” ang sinabi pa rin ng Pangulo.
Winika pa ng Pangulo na ang suplay ng tubig ang pangunahing kailangan para masiguro rin ang kalusugan at kaligtasan ng mga estudyante sa mga eskuwelahan.
Samantala, masaya naman ang Pangulo sa isinagawang inspeksyon.
Aniya, humigit-kumulang na 27 milyong estudyante ang naka-enroll para sa School Year 2025-2026, na magbubukas sa June 16. (Daris Jose)