PDu30, nagtalaga ng dalawang bagong CHEd Commissioners
- Published on February 19, 2022
- by @peoplesbalita
ITINALAGA ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sina Jo Mark Libre at Marita Canapi bilang mga bagong komisyonado ng Commission on Higher Education (CHEd).
Papalitan ni Libre si outgoing commissioner Perfecto Alibin habang papalitan naman ni Canapi si Lilian de las Llagas, kung saan ang termino ay nagtapos noong sa Hulyo 21, 2021.
“The Commission thanks our outgoing Commissioners Perfecto Alibin and Lilian De Las Llagas for showing outstanding leadership and for contributing to the effective governance of the governing boards of their respective State Universities and Colleges (SUCs),” ayon kay CHEd chairman Prospera De Vera sa isang kalatas.
“I now welcome our two new Commissioners and I am confident that we all continue to learn and educate as one,” dagdag na pahayag nito.
Sinabi ni De Vera na si Libre ay dating nagsilbi bilang Vice President for Communications and External Affairs sa Jose Maria College Foundation, Inc. sa Davao City.
Habang si Canapi naman ay pangalawang pangulo ng University Of Rizal System (URS) at nagsilbi rin bilang Vice President ng Academic Affairs sa University of Makati.
Nagsilbi rin siya bilang Vice President for Academic Affairs ng Pamantasan ng Lungsod ng Marikina.
Sina Libre at Canapi ay kapuwa sumama kina De Vera at Commissioners Ronald Adamat at Aldrin Darilag sa CHEd. (Daris Jose)