PDu30, nilagdaan na ang COVID-19 Vaccination Program Act of 2021
- Published on March 1, 2021
- by @peoplesbalita
TININTAHAN na ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang COVID-19 Vaccination Program Act of 2021 o “An Act Establishing the Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) Vaccination Program Expediting the Vaccine Procurement and Administration Process, Providing Funds Therefor, and for other purposes”.
Layon nitong mapabilis ang pagbili ng COVID-19 vaccines at paglalaan ng indemnity fund na P500 million.
Makikita sa mga larawan na iinamahagi ni Senador Bong Go sa media ang pagpirma ng Pangulo sa nasabing panukalang batas upang maging ganap na batas.
Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, walang dapat na ipag-alala ang publiko dahil talagang nagkaisa ang presidente at Kongreso para mapabilis ang pagsasabatas ng COVID-19 Vaccination Program Act of 2021.
Matatandaan na noong Martes nang i-adopt ng House of Representatives ang bersyon ng Senado sa panukala.
Sa ilalim nito, binibigyan ng kapangyarihan ang Department of Health at National Task Force Against COVID-19 na sumailalim ng negotiated procurement ng COVID-19 vaccines maging sa ancillary supplies at services para sa kanilang storage, transport, at distribution. (Daris Jose)