PDu30, saludo sa mga nago-operate ng community pantries
- Published on June 17, 2021
- by @peoplesbalita
SALUDO si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa mga indibidwal na nago-operate ng community pantries subalit binigyang diin ang mahigpit na pagsunod sa COVID-19 safety measures habang isinasagawa ang aktibidad.
Noong nakaraang Abril, may ilang community pantries ang itinayo para magbigay ng basic goods sa mga nakikipagpambuno sa pandemiya.
Iginiit ni Pangulong Duterte na ang pantry services ay kailangan lamang na sundin ang basic health protocols para maiwasan ang overcrowding na maaaring maging dahilan ng panganib nang pagkakahawa.
“Wala man question itong pantry scheme. As a matter of fact I salute the people behind this and those who originated it. Nagkulang sila and maybe they are ignorant of the prohibition imposed by law not by me,” ayon kay Pangulong Duterte sa kanyang Talk to the People, Lunes ng gabi.
“Hindi siguro niyo nabasa pero sa totohanan lang, if it is a matter of assessing whether or not you are doing good you are doing super good. Saludo ako at maganda ang konsensya ninyo sa tao ninyo but please read the restrictions first,” dagdag na pahayag nito.
Matatandaang, si Ana Patricia Non, ang kauna-unahang nagtayo ng Maginhawa Pantry, at ang iba pang initiators ay nakatanggap ng papuri mula sa mga mambabatas dahil sa Bayanihan at pagkakaisa ng mga filipino sa gitna ng pandemiya.
Ayon sa House resolution, mahigit 6,000 community pantries ang itinayo sa buong bansa .
Samantala, pinayuhan naman ng Department of the Interior and Local Government ang mga pantry organizers na tingnan ang iba pang paraan para makaabot ito sa senior citizens at iba pang vulnerable sectors at maiwasan ang mahabang linya ng pila at mass gathering. (Bishop Jesus “Jemba” M. Basco)