• July 17, 2025

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Posibleng paghihigpit sa pagpapauwi sa mga probinsiya ngayong papalapit na Holy Week

NAKAANTABAY ang Malakanyang kung magkakaroon ng paghihigpit sa magiging pagbiyahe o pag- uwi ng marami sa ibat-ibang mga lalawigan para sa nalalapit na Mahal na Araw.

 

Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, sa ngayon ay wala pa siyang maisasagot kung paano ang magiging set up sa magiging pag-uwi ng mga kababayan nating nais na maitawid ang Kuwaresma sa kani- kanilang mga probinsiya.

 

Aniya, isang collegial body ang Inter-agency Task Force (IATF) na kailangang magkasundo sa isang desisyon para sa isang usapin gaya halimbawa ng magiging pag- uwi ng mga kababayan natin ngayong holy week.

 

“Hindi ko po masasagot iyan dahil ang IATF po ay isang collegial decision at kinakailangang pagkasunduan pa iyan, dito sa darating na huling linggo ng Marso,” ang pahayag ni Sec.Roque.

 

Magkagayon man, naniniwala naman si Sec. Roque na dahil sa walang trabaho sa nalalapit na pista opisyal ay magkakaroon ng less mobility ang mga tao.

 

Giit ni Sec. Roque, kailangan ito para mapabagal ang pagkalat ng COVID-19.

 

“Pero siyempre po lahat po tayo looking forward to Holy Week, kasi sa Holy Week naman talaga walang trabaho, so parang magkakaroon po talaga tayo ng less mobility. At iyan po ang kinakailangan natin ngayon para mapabagal ang pagkalat ng COVID-19,” ang pahayag ni Sec. Roque. (Bishop Jesus “Jemba” M. Basco)