• July 8, 2025

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Pulis todas sa pamamaril sa Caloocan

Nasawi ang isang 40-anyos na pulis matapos pagbabarilin ng hindi kilalang mga suspek na sakay ng dalawang sasakyan sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.

 

 

Dead on the spot sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa ulo at katawan ang biktima na kinilalang si Police Corporal Ronel Acuña, 40, nakatalaga sa Caloocan City Police at residente ng No. 104 Capaz St. Brgy. 63 ng lungsod.

 

 

Batay sa report ni police investigator PSSg Arjay Terrado kay Caloocan police chief Col. Samuel Mina Jr., dakong 1:00 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa Bernadette at Nadurata Streets sa pagitan ng 8th at 9th Avenue, West Grace Park, Brgy. 60 ng lungsod.

 

 

Lumabas sa imbestigasyon na pauwi ang biktima kasama ang witness na si Regine Lintag, 27 ng 102 Baltazar St. 5th Avenue, Brgy. 49 sakay ng motorsiklo.

 

 

Pagsapit sa naturang lugar ay biglang lumitaw ang mga suspek na sakay ng isang kulay puting Toyota Fortuner at kulay silver na Toyota Innova na parehong hindi nakuha ang plaka at pinagbabaril sa ulo at katawan ang biktima.

 

 

Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ng kanilang sasakyan sa hindi matukoy na direksyon habang naiwan nakahandusay ang duguan at walang buhay na katawan ng biktima.

 

 

Narekober ng rumespondeng mga tauhan ng NPD-SOCO sa pangunguna ni PLT Romar Quilang sa crime scene ang dalawang basyo ng bala ng M16, tatlong basyo ng bala ng cal. 45 baril at isang deformed fired bullet.

 

 

Ipinag-utos na ni Col. Mina ang follow-up imbestigasyon para sa posibleng pagkakilanlan at pagkakaaresto sa mga suspek habang inaalam pa ang tunay na motibo sa insidente. (Richard Mesa)