QC LGU, muling kinilala ng COA dahil sa husay sa financial management
- Published on June 28, 2025
- by @peoplesbalita
MULING nakatanggap si Quezon City Mayor Joy Belmonte ng “Unmodified Opinion” mula sa Commission on Audit (COA). Sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng lungsod nakamit ng Quezon City Government ang limang magkasunod na “Unmodified Opinion”, muling pinatunayan na ‘fully compliant’ at maayos ang auditing standards ng lokal na pamahalaan.
Ito ang pinakamataas na markang ibinibigay ng COA sa isang ahensya ng gobyerno kabilang ang local government unit (LGU).
Sabi ni Belmonte, ang pagkilalang ito mula sa COA ay hindi lamang tungkol sa mga numero ito ay tungkol sa tiwala. Pinatutunayan nito na pinamamahalaan natin ang pondo ng publiko nang may integridad at laging isinasaalang-alang ang kapakanan ng mga mamamayan. Ang karangalan na ito ay magsisilbi naming inspirasyon upang patuloy na maisulong ang mahusay na pamamahala sa pamamagitan ng wasto at masinop na paggamit ng pondo ng bayan.
Si Belmonte, na ang pamumuno ay nakasentro sa transparency at good governance, ay nakuha ang kanyang huling termino matapos ang isang landslide victory sa midterm elections noong Mayo.
Sabi pa ni Belmonte, pinatatag din nito ang misyon ng lungsod na maghatid ng transparent, nakasentro sa tao na ang mga serbisyo ay nagpapabuti sa buhay at nag-aambag sa pambansang pag-unlad.
Ayon pa sa alkalde, malaking bagay na napakikinabangan na ng QCitizens ang good governance initiatives ng lungsod, na layong gawing digital ang mga proseso ng City Hall at alisin ang anumang uri ng korapsyon at red tape. (PAUL JOHN REYES)