Sa gitna ng pag-alis sa VFA: Malakanyang, kumbinsidong mas mataas ang respeto ng US sa bansa
- Published on February 15, 2020
- by @peoplesbalita
Kumbinsido ang Malakanyang na nakuha ng Pilipinas ang mas mataas na respeto mula sa Amerika kasunod ng pasya ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na ipawalang bisa na ang Visiting Forces Agreement.
Ayon kay Presidential spokesperson Salvador Panelo na sa pamamagitan ng pagpapadala ng abiso para sa terminasyon ng VFA ay masasabing kasingkahulugan ito na hindi natin kailangan ang Estados Unidos.
Sa harap na rin ito sa paninindigan ng Pangulo na huwag umasa sa iba at sa halip, tumayo na sa sariling paa partikular sa usaping may kinalaman sa depensa.
Kaya kung tatanungin kung ano ang isa sa napala ng Pilipinas sa naging hakbang nito para putulin na ang naturang kasunduan sa Amerika, ito ayon kay Panelo ay respeto at maipakita sa mga Amerikano na hindi palaasa ang mga Pilipino.
Sa kabilang dako’y nagpa-pasalamat naman ang Pilipinas sa naitulong ng US pero dapat ding maalala ng Amerika na kasa-kasama din nila tayo sa panahon ng kanilang laban. (Daris Jose)