Sa MRT 3, LRT 2 at LRT 1 tuwing araw ng Linggo… Pamilya Pass 1+3 Promo Handog ng Pangulo
- Published on June 3, 2025
- by @peoplesbalita

Ang promo na Buy 1, Get 3 free rides ng pamilya, grupo o magkakaibigan na apat na sasakay ng MRT-3, LRT-2 at LRT-1 ay puwedeng-puwede rito, Kailangan lamang na may magbayad na isa sa apat na magkakasama para makasakay.
Sa isinagawang paglulunsad ng Family/Pamilya Pass 1+3 program, araw ng Linggo, Hunyo 1, nanguna ang First Family na subukan ito. Ang programa ay Pagkilala sa Family Day at pagdiriwang ng pamilyang Filipino.
Sa katunayan, pinasinayaan ng First Family ang programa sa pamamagitan ng pagsakay sa tren sa GMA-Kamuning Station patungong North Station ng MRT sa Quezon City, Linggo ng umaga.
Sa nasabing biyahe, nakisalamuha ang pamilya Marcos sa mga mananakay. Kasama ng mga ito ang ilang miyembro ng Gabinete.
Ayon sa Pangulo, ang araw ng Linggo ay mahalagang araw para sa mga Filipino dahil ito ang araw na inilalaan nila para sa kanilang pamilya.
“Ang kultura ng Pilipino, pag Linggo, sa pamilya yan,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sabay sabing “Kapag linggo, kapag bibili ka ng ticket, plus three ang pwede mo isakay. Ibigsabihin sa isang ticket, apat ang pwede sumakay.”
“Sana naman mabigyan natin ang ating mga kababayan na maramdaman nila ang linggo. Bigyan natin ng chance na magkasama na walang dagdag na bayad para lang makasama ang inyong pamilya,” dagdag na wika nito.
Pinasimulan ni Pangulong Marcos ang programa habang Department of Transportation naman ang nagpatupad.
Sa kabilang dako, sinabi naman ni Transportation Secretary Vince Dizon na sa naturang promo, isang miyembro lamang ng pamilya o grupo na magkakasamang ba-byahe sa kaparehong destinasyon o lugar ay kailangan na magbayad ng isang tiket para makapasok sa turnstile habang ang natitirang pamilya o kasama ay dadaan naman sa side entrance.
Maliban sa pamilya, ang grupo ng magkakaibigan ay maaari ring mag-avail ng promo.
Base sa pinakabagong data mula sa DOTr, may 234,700 pasahero ang gumagamit ng MRT-3 habang 102,800 katao naman ang gumagamit ng LRT-2 nito lamang May 25.
Sa data pa rin ng DOTr, tinatayang 226,000 pasahero ang gumagamit ng MRT-3 habang 95,000 katao naman na bumi-byahe ang gumagamit ng LRT-2 sa apat na Linggo ng May ngayong 2025.
Samantala, inanunsyo ng DOTr na sa lalong madaling panahon ay maaari ng gumamit ang mga commuters ng debit cards, credit cards, at e-wallets para magbayad sa MRT at LRT fares.
Winelcome naman ng mga mananakay ang nasabing promo. Para sa kanila, makakatipid sila ng pera at maaari pa itong magamit sa ibang pangangailangan.
Tiniyak ni Dizon na isa-subsidize ng gobyerno ang programa.
“Ang gobyerno naman ang nagpapatakbo ng MRT-3 at LRT-2 so mawawalan lang ng dagdag na revenue pero tulong na ‘yan sabi nga ng Pangulo. Tulong ‘yan para sa mga kababayan natin. Kamukha ng ginawa natin ng Labor Day na libre sakay po. Iyun po ay isa-subsidize ng gobyerno,” ang sinabi ni Dizon.
( Daris Jose)