Sekyu, estudyante, 4 pa arestado sa pagsinghot ng shabu sa Valenzuela
- Published on June 3, 2021
- by @peoplesbalita
TIMBOG ang anim na hinihinalang sangkot sa illegal na droga kabilang ang isang security guard at 17-anyos na estudyante matapos maaktuhan ng mga pulis na sumisinghot ng shabu sa magkahiwalay na lugar sa Valenzuela City.
Ayon kay PCpl Pamela Joy Catalla, habang nasa loob ng kanilang opisina ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) dakong alas-11:30 ng gabi nang personal na lumapit ang Supervisor ng Wilcon Gasoline Station at ipinaalam sa kanila na may natagpuan siyang drug paraphernalia sa loob ng security guard barracks sa Wiloil gasoline station sa No. 58 Pio St., Brgy. Marulas.
Pinuntahan ng mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni PLT Joel Madregalejo ang naturang lugar na nagresulta sa pagkakaaresto kay Conrad Alajas, 29, security guard ng nasabing gasoline station matapos maaktuhang sumisinghot ng shabu sa loob ng barracks dakong 1 ng madaling araw.
Narekober kay Alajas ang nasa 2 grams ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P13,600 ang halaga, ilang drug paraphernalias at cellphone.
Nauna rito, alas-6:30 ng gabi nang maaktuhan din ng mga operatiba ng SDEU sina Alvin Cunanan, 31, Edmari Ablang Rebudal, 27, Julius Trazo Entienza, 27, John Rey Tudera, 18, at ang 17-anyos na binatilyong grade 7 student na nagpa-pot-session umano sa loob ng bahay sa No. 4284 Orosco St. Mapulang Lupa sa isinagawang validation matapos ang natanggap na tawag sa telepono mula sa isang concerned citizen hinggil sa nagaganap umanong illegal drug activities sa naturang lugar.
Ani SDEU investigator PSMS Fortunato Candido, nakumpiska sa mga suspek ang nasa 0.5 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P3,400 ang halaga, at ilang drug paraphernalia.
Mahaharap ang mga naarestong suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 habang tinurnover naman sa pangangalaga ng DSWD ang menor-de-edad. (Richard Mesa)